ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Target na 1 milyon botante sa OAV malayo pa - DFA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na malayo pang makamit ang target ng pamahalaan na makakuha ng isang milyong magpapatala sa Overseas Absentee Voting (OAV) para sa 2010 presidential elections. Sa isang pahayag na nakapaskil sa Web site ng DFA, sinabing umaabot pa lamang sa kabuuang 157,398 ang mga Filipinong nagpatala sa OAV na nasa ibang bansa. Gayunman, nalampasan naman nito ang 2005/2006 OAV registration na umabot sa 142,667. Nakatakdang magwakas ang pagpaparehistro sa OAV sa katapusan ng Agosto ng kasalukuyang taon. Ayon sa DFA, pinakamarami pa rin sa mga nagpatala sa OAV ay mula sa Hong Kong na may kabuuang 17,486 bagong aplikante hanggang nitong Agosto 5. Ang mataas na bilang ng mga nagparehistro ay pinapaniwalaan bunga ng mga ipinakalat na satellite registration ng Philippine Consulate General sa iba’t-ibang lugar sa Hong Kong. Kabilang sa mga pinaglagyan ng satellite registration ay mga bangko at remittance centers simula noong Hulyo 2009, pati na rin ang seven-day OAV workweek policy. Sa listahan nitong katapusan ng Hulyo, inihayag ng DFA OAV Secretariat (OAVS), na umabot sa 16,332 ang bagong mga aplikante sa Hong Kong. Sumunod dito ang Los Angeles PCG na 8,884 bagong aplikante, Dubai PCG na 8,542 at Singapore PE na 6,926 aplikante. Sinabi sa pahayag na magsasagawa pa ng field registration ang Philippine Consulate General sa Epiphany Parish Mass Centre at sa St. Matthew’s Church sa Tuen Mun sa Hong Kong. Ang mga OAV field registrations ay ginawa na sa Tsuen Wan, Yuen Long, Ma On Shan, Sai Kung, Tai Po, Shatin, at Tsing Yi sa New Territories; DPCF at St. Joseph’s Church sa Central; Chai Wan at Sheung Wan sa Hong Kong Island; Hung Hom, Hang Hau, Kowloon Tong, Prince Edward at Choi Hung Estate sa Kowloon; at Cheung Chau Island at Discovery Bay sa Lantau Island. Sa ilalim ng OAV, ang mga kuwalipikadong Pinoy na nagparehistro ay maaaring bumoto sa posisyon ng presidente, bise presidente, senador at party-list representantives kahit sila ay nasa labas ng Pilipinas. - GMANews.TV