Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

PEP: Marian Rivera rates her lovelife more than perfect

August 21, 2009 3:49pm


Sa pocket presscon na ibinigay ng Regal Entertainment para sa male lead ng horror film na Tarot na si Dennis Trillo noong August 17, nasurpresa ang aktor na may nakahanda palang tarot reading sa kanya before the start of the presscon.

Kaya naman kagabi, August 20, sa grand press conference ng Tarot sa Penthouse ng Imperial Palace Suites, aware na ang female lead ng pelikula na si Marian Rivera na baka i-tarot reading din siya tulad ng ginawa kay Dennis. At nagsabi na nga siya na ayaw niya dahil hindi talaga siya nagpapahula.

Nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press, ipinaliwanag ni Marian kung bakit ayaw niyang magpa-tarot reading.

"Hindi naman sa hindi naniniwala," ayon kay Marian. "Nirerespeto ko ang mga taong naniniwala sa ganoon. Pero ako mismo sa sarili ko, ayoko ng ganoon. Kasi kung may masabi man na hindi maganda, palaisip kasi ako, so hindi maganda para sa akin yun. Never pa talaga akong nag-try. Sana nga kung puro magaganda. Pero kung puro negative, ayoko ng ganoon."

Hindi pa talaga siya nakapagpahula?

"Hindi pa talaga. Although, may mga nanghuhula sa akin na nagsasabing magaganda naman. Pero ako mismo na pupunta sa manghuhula, parang hindi ko yata kayang gawin yun," paliwanag ng magandang aktres.

Pero bago ba siya mag-Marimar ay may humula sa kanyang magiging destiny?

"Nahulaan? Wala!" sambit niya. "Siguro may mga ibang sinasabi na ganito mangyayari dito. Kasi dati, may mga naririnig akong ganoon. Pero siyempre, naniniwala pa rin ako na ang kapalaran ng tao ay depende pa rin sa tao at kung paano ka manalig sa Diyos. Yung dalawa pa rin na yun ang combination palagi."

NOTHING TO ASK FOR. May mahihiling pa ba si Marian this time?

"Oo nga, e, sobrang saya ko kasi parang sa lahat, nagiging maayos talaga," sabi niya. "Hiling? Siguro yung maging kung anuman ang meron ako ngayon, e, magtagal talaga siya at higit sa lahat, yung maging masaya ako palagi. Yun ang importante sa akin."

Masaya ba siya sa lahat ng aspeto ng buhay niya ngayon?

"Sobra, oo!" sagot niya.

Tinanong naman siya kung paano niya ire-rate ang iba't ibang aspeto ng buhay niya.
Family?

"10!"

Career?

"Ay, parang wala na 'kong mahiling, 10 pa rin!"

Sa lovelife?

"11! Ay!" sabay sigaw ni Marian.

Paliwanag niya, "Siguro napakasaya ko lang at sobrang thankful talaga ako na talagang ang sarap ng buhay talaga, na lahat na lang yata ibinigay na yata sa akin. Kaya thankful ako at siguro dahil dun, e, mas ie-extend ko ang blessing ko sa ibang tao."

Binanggit namin kay Marian na hindi naman sa pagiging negative, pero hindi ba siya natatakot na biglang one day ay may mabago ang lahat ng magagandang nangyayari sa kanya ngayon?

"Balance naman. Hindi naman yung sobrang saya na OA. Parang lahat, e, sakto at nagsama-sama siya at naging maayos lahat. At saka ako naman, kung kaya kong makadalaw sa Kanya, e, dadalaw talaga ako. Kung hindi man, e, magte-thank you talaga 'ko kahit pagod na 'ko, e, 'Thank you po Lord.' Siguro, maiintindihan naman niya yun."

TAROT READING. Kahit tumatanggi siya noong una, walang nagawa si Marian kundi ang magpa-tarot reading na rin sa harapan ng entertainment press bago sinimulan ang press conference ng Tarot.

Pitong beses namili ng cards si Marian at pitong beses din siyang hinulaan ng tarot reader na si Arlene Oliveros about her past, present, and future. Kapansin-pansin na sa mga cards na nabubunot ni Marian, madalas ay may "star" na lumalabas.

Narito ang mga hula kay Marian:

Three Cards.
Ayon kay Arlene, "Positive naman ang lumabas sa 'yo. Ibig sabihin, magiging tuluy-tuloy naman ang magandang career para sa 'yo. Pero may mga isyu na hindi maalis sa 'yo. Kakambal mo ngayong year na ito at sa mga darating pang taon ang dasal.

"Yung star, meaning nito, parang kung meron kang movies or meron ka mang projects, talagang magbu-boom siya. Yun nga lang, palaging kakambal yung intriga," dagdag nito.

"Ay, given 'yan!" natatawang reaksiyon naman ni Marian.

Four Cards. "Sa family mo naman, positive naman. Natutuwa sila sa success na nangyayari sa buhay mo ngayon, especially parang meron dito na palagi ka niyang dinadasalan na sana nga, maging good health ka and yun nga, more success," patuloy ni Arlene.

"Lola ko 'yan!" masayang sabi naman ni Marian.

Lumabas sa isang card ang X, na ang tinututkoy ay ang ex" daw ni Marian.

"Ay!" biglang napasigaw at natawa ang aktres.

"Meron kang ex na naka-move on na siya," sabi ng tarot reader. "Kung anuman ang mga nagawa mo, tulong mo na lang sa kanya yun in the past. Tapos, wala namang nangyaring lokohan sa kanila. Parang pinabayaan ka na lang niya kung anuman ang gusto mong gawin at hindi siya naging hadlang."

"Tama na, puwede na yun! Puwede bang tama na? Ilan pa ba?" natatawang sabi ni Marian. Pero wala siyang magawa dahil may natitira pang cards na kailangang basahin sa kanya.

Five Cards. Meron kang mga pinagdaanan na hindi lang sa 'yo kundi pati sa family mo. Pero I think, naging lesson na yun sa 'yo para maging matatag ka. At saka, siyempre gusto mong maging happy family in the future, di ba? At kung anuman ang pinagdaanan ng parents mo, parang hindi naman darating sa 'yo yun."

"Wow, thank you Lord!" sambit naman ni Marian.

Ayon pa sa tarot reader, "More blessing...business. Puwede namang pinapatayo na magiging successful. Ano 'to, e, business na parang okey naman."

Sabi naman ni Marian, "Kasi, ayaw ko na sanang sabihin... Pero hayan, nagpapagawa ako ng apartment, tapos magpapagawa pa rin ako ngayon. Tapos, balak ko talaga na sa SMC Residences ko, bibili talaga ko diyan ng mga condo."

Six Cards. "Ang dami mong obligation na hindi mo talaga puwedeng talikuran. Kung bakit dumating sa 'yo ang mga bagay na 'to, siguro kung bakit dumating sa 'yo ang mga blessing ay dahil sa mga obligation."

"Ah, okay! Talagang alam ko na kung ano 'yan!" natatawang sabi ni Marian.

Patuloy ng tarot reader, "At ang pagiging totoong tao mo, yun ang tanggap sa 'yo ng mga tao rito. Pero merong iba na hindi ka tanggap. Kasi, parang feeling nila, parang hindi ka pa rin, sa kanila, totoo ka. Pero sa iba kasi, mas nasisilip pa rin nila ang negative mo than positive."

Huwag rin daw siya masyadong mag-travel like out of the country.

"Bakit?" tanong ni Marian.

"Masyado ka kasing busy ngayon." (Sa puntong ito, mukhang ayaw na lang ng tarot reader na mag-alala si Marian kung kaya't ang pagiging busy na lang ng aktres ang ibinigay niyang dahilan.)

Seven Cards. "Sinasabi sa seven cards mo na lucky ka sa career mo kaya puwedeng sabihin na tuloy-tuloy pa rin ang suwerte. Hindi ka babalik sa dating hirap, malungkot.

"Lovelife, huwag kang ma-stress. Mahal ka naman nun. At saka, puwede rin nating sabihin na puwedeng mag last, pero nasa sa inyong dalawa rin yun. Kung sakali mang magkaroon kayo ng argument, ikaw ang puwedeng...parang ikaw ang laging pagpapasensiyahan."

"Korek! Korek talaga!" pag-amin naman ni Marian.

Eight Cards. "Panibagong property. Masaya ang business, family. May plano ba kayong magkita ng daddy mo?" tanong ng tarot reader sa aktres.

"Opo, after ng Darna..." sagot ni Marian.

"Matutuloy...miss na miss ka na raw niya."

"Wow!"

"Puwedeng yung daddy mo ang pumunta."

Sa lovelife, marami raw tukso.

"Sino ang maraming tukso, ako or siya?" tanong ni Marian.
"Ikaw."

Natawa lang si Marian.

"Maraming tukso, pero kaya mong kontrolin."

"Naman! Para maliwanag!" natatawang sabi ni Marian.

Nine Cards. "Apat ang magiging anak mo. Puwedeng mag-stay out of the country, pero puwede rin dito. May darating na makakabili ka ng bahay sa ibang bansa. Tapos, kung sinuman ang lovelife mo ngayon, sana kayo na. Happy ka naman.

"Kung meron man galit or ano, siguro selos at saka negative lang 'yan. Hindi magiging maganda. Pero sa ngayon, happy naman siya. Iintrigahin ang relasyon n'yo, pero kailangang maging matatag kayo."

"Okey! Okey daw!" sambit naman ni Marian.

Sabi pa ng tarot reader, "Parang mas magiging mamamayagpag ka kesa sa kanya, pero hindi mo naman makikita sa kanyang mai-insecure. Basta ngayon, happy naman—career, lovelife, family—lahat happy naman. Pero kailangan lang talaga mag-ingat ka sa accident.

"Tapos, yung pagiging nega mo sa mind. Yung stress lang, kailangan lang talaga tanggalin mo."

"Ang hirap nun, e," sabi naman ni Marian.

MARIAN'S REACTION. Pagkatapos basahan ng tarot cards si Marian, tinanong siya kung ano sa mga hula ang nagkaroon siya ng takot o kaba at ano naman ang natuwa siya.

"Natuwa dahil sinabing magkikita kami ng Papa ko na talaga namang gustong-gusto ko nang magkita kaming dalawa. Natakot ako sa aksidente, so huwag naman sanang mangyari yun," sabi ng aktres.

Sa lovelife, sinabing sa kanyang sa part daw niya yung may pagseselos at tukso, ano ang masasabi niya rito?

"Wala, inaamin ko, selosa ako. Pero yung tukso, wala!"

Natatawang sinabi ni Marian na kung noong una ay hindi talaga siya naniniwala sa hula, after niyang mabasahan ng tarot cards ay parang gusto na niyang maniwala. Lalo pa nga't ngayon lang daw talaga siya pumayag na mahulaan. - Rose Garcia, PEP
Go to comments




advertisement
advertisement
advertisement