GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Marian Rivera, Dingdong Dantes help 'Ondoy' victims

October 2, 2009 11:35pm

Nagsama sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa pamamahagi ng tulong sa mga biktima ni “Ondoy" sa Cainta, Rizal, isa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo.

Ayon kay entertainment reporter Audrey Carampel, nagtungo sina Dingdong at Marian sa Brgy San Andres sa Cainta. Kasama ng mga Kapuso stars ang Yes Pinoy Foundation, Philippine National Red Cross, at mga tauhan ng Philippine Marines.

Hindi pa rin humuhupa ang baha sa lugar na hanggang binti ang lalim, at kulay itim na ang tubig.

“We can only do so much kumbaga hindi ko alam kung ano pa ang pwedeng gawin dito hanggang ngayon flooded pa rin sila. Bukod sa relief goods I think one is matanggal na ang tubig dito," pahayag ni Dingdong sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes.

Nagpapasalamat naman si Marian na natapos kaagad ang kanyang taping kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na nakasama si Dingdong sa isinagawang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ni “Ondoy."

Hindi naman alintana ng mga residente ang mababad sa baha. Pumila ang mga lalaki, babae, matanda at maging ang mga buntis.




Marami pa rin sa kanila ang hindi makalimot sa dinanas na trahedya. Samantalang mayroon ding naging masaya dahil nakita nila ang kanilang mga iniidolo sa gitna ng kanilang kinakaharap na problema.

“Masaya kahit mahirap, nakikita yung mga artista," ayon sa isang ginang.

Sinabi ni Dingdong na patuloy na iikot ang kanilang grupo sa iba pang lugar na sinalanta ng bagyo para magkaloob ng tulong.

“Hangga’t meron (relief goods) patuloy kami sa pamimigay," ayon sa aktor.

Bukod sa pamamahagi ng relief goods, nag-volunteer din sa Marian sa pagsagot ng telepono sa isinasagawang telethon ng GMA Kapuso Foundation. Tumulong din ang aktres sa isinasagawang repacking ng mga ipinapamahaging relief goods. – Fidel Jimenez, GMANews.TV
Go to comments