ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kahit cover ng TIME magazine: Manny Pacquiao pinapalayo pa rin sa pulitika


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Kung hindi boto, may pag-aalinlangan naman ang ilang kongresista na pasukin ni Manny Pacquiao ang mundo ng pulitika kahit pa maging cover siya ngayong Nobyembre ng prestihiyong TIME magazine. Sinasabing limang pahina ang inilaan ng TIME magazine (Asia edition) sa tinaguriang Pambansang Kamao ng Pilipinas. Inaasahang tatalakayin dito ang mahirap na buhay na pinagmulan ni Pacquiao sa General Santos City, hanggang sa makamit niya ang tagumpay sa larangan ng boxing. Plano ni Pacquinao na tumakbong kongresista sa lalawigan ng Saranggani sa May 2010 elections. Sa labas ng ring, makakasagupa niya ang kilalang pamilya ng mga Chiongbian na beterano sa larangan ng pulitika. Kung si Manila Rep. Bienvenido Abante ang tatanungin, mas makabubuti umanong manatili na mula sa boxing si Pacquiao hanggang sa ilahad niya ang panahon ng kanyang pagreretiro. “It would be better that he stay in boxing for a while, perhaps when he announce his retirement. But now he’s the best in the world of sport," ayon sa mambabatas. Nakatakdang gumawa ng kasaysayan sa mundo ng boksing si Pacquiao sa Nob 15 (oras sa Pilipinas) bilang unang boksingero na nanalo ng pitong kampeonato sa magkakaibang debisyon kapag nanalo kay Miguel Cotto.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Inihayag naman ni Anak Mindanao party-list Rep. Mujiv Hataman na malaking personalidad na si Pacquiao sa mundo ng isport at lubhang maliit para sa kanya ang Saranggani. “Magpatuloy na lang muna siya sa pagbibigay ng glory sa Pilipinas. Stay out of politics muna tutal bata pa naman siya," ayon kay Hataman. Naniniwala naman si Maguindanao Rep. Simeon Datumanong na dapat hayaan si Pacquiao na magdesisyon kung papasok sa pulitika pagkatapos ng laban kay Cotto. “After this fight with Cotto it will be better for Manny to choose between boxing and politics," ayon kay Datumanong Nagpahayag din si Aurora Rep. Juan Edgardo Angara na karapatan ng lahat na pumasok sa pulitika kahit na ang isang itinuturing “national hero" na si Pacquiao. Sa kabila nito, aminado si Angara na katulad ng marami ay nangangamba siya na maapektuhan ang boxing career ni Pacquiao kapag pumasok sa pulitika. – GMANews.TV