ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paghabol sa First Couple sa ZTE-NBN deal ‘di mangyayari ngayon – Roxas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

MANILA – Naniniwala ni Senador Mar Roxas na walang mangyayari sa rekomendasyon ng Senado na kasuhan ng Office of the Ombudsman ang ilang personalidad na sangkot $329M NBN-ZTE deal na kinabibilangan ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo. Sa panayam ng media, sinabi ni Roxas na posibleng sa susunod na administrasyon na maaksiyunan ang rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagsasampa ng kaso kaugnay sa ZTE-NBN deal dahil kilalang kaalyado umano ng administrasyon si Ombudsman Merciditas Guitierrez. “Well, this is a public document. Hindi man ito aksiyunan ng kasalukuyang administrasyon, nakatitiyak tayo na susunod na pamahalaan ang siyang titingin at magbabasa nang mabuti upang magkaroon ng mahusay na pagkilos laban sa Unang Pamilya," ayon sa senador. Kung susuriing mabuti ang nilalaman ng rekomendasyon ng komite, sinabi ni Roxas na kailangan ding managot si Pangulong Arroyo dahil hindi nito ginawa ang kanyang tungkulin sa ilalim ng batas upang protektahan ng pampublikong interes. “Sa kabila nang isinumbong na mayroong pagtatangkang manuhol sa nasabing proyekto, wala pang ginawa si Pangulong Arroyo, walang pinarusahan at walang tinanggal sa puwesto," paliwanag niya. Sa nagdaang mga pagdinig ng Senado, binanggit ni dating economic planning chief Romulo Neri na isinumbong niya kay Gng Arroyo ang tangkang panunuhol umano sa kanya ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos ng P200 milyong upang aprubahan ang proyekto. “Makalusot man ngayon si Pangulong Arroyo dahil tiyak na hindi kikilos ang kasalukuyang hepe ng Ombudsman, naniniwala ako na sa susunod na administrasyon magigisa ang kasalukuyang chief executive sa kasalanan nito kabilang ang ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan," pagtiyak ni Roxas. Nauna nang ipinahayag ni Sen. Joker Arroyo na walang mangyayaring imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa naturang anomalya dahil minsan na umanong pinawalang-sala ni Guitierez ang Pangulo bago pa man matapos ang Senate probe sa NBN-ZTE scandal. Witness protection Kasabay nito, kinalampag naman ni Sen. Francis Escudero ang mga kasamahan sa Kongreso na aprubahan na ang whistleblower bill dahil na rin sa kinalabasan ng imbestigasyon sa ZTE-NBN deal kung saan kasamang pinakakasuhan ang mga nagbunyag ng umano'y anomalya na si Rodolfo Lozada Jr., at Joey de Venecia III. “Jun Lozada and Joey de Venecia would have benefited from these proposals if they had been passed and signed into law. These are meant encourage those who have witnessed crimes, especially graft and corruption in government, to come forward and testify against perpetrators," ayon sa senador. Nakalusot na sa komite ang panukala na naglalayong bigyan ng proteksiyon, seguridad, at benepisyo ng mga whistle blower. Kasama rin ang pag-amyenda sa Witness Protection at Benefits Act upang payagan ang Senado at Kamara na magkaroon ng sariling programa tungkol sa testigo. Sa kasalukuyan, ang Department of Justice ang may kontrol sa programa na nagbibigay ng proteksiyon sa mga nagbubunyag sa katiwalian sa gobyerno. “However, as in the cases of Rodolfo “Jun" Lozada, Sandra Cam, Michaelangelo Zuce and many others who have come forward and disclosed what they know of wrongdoing in the government, Congress remains powerless to provide them protecton," paliwanag ni Escudero. - GMANews.TV