Unang 'salang' ni Johnny Delgado
Ang pelikulang You Got Me na ginawa noong 2007 ang sinasabing huling pelikula ng namayapang batikang aktor na si Johnny Delgado. Pero alam nyo ba kung anong pelikula ang una niyang pinagbidahan? Isinilang si Delgado (Juan Marasigan Feleo sa tunay na buhay), noong Pebrero 1948. Hindi naging mahirap kay Delgado na makapasok sa showbiz dahil direktor sa pelikula ang kanyang ama na si Ben Feleo. Guro naman ang kanyang ina na si Victorina Marasigan. Unang nasilayan sa malaking telon si Delgado bilang supporting cast sa mga pelikulang Bawa't Kanto Basagulo at Ito ang Digmaan na ginawa noong 1968. Pagkalipas ng isang taon, nakamit ni Delgado ang kanyang unang salang bilang bida sa pelikulang One Man Army noong 1969. Naging leading lady ni Delgado sa pelikula si Pilar Pilapil sa direksyon ng kanyang ama na si Direk Ben Feleo. Sumikat din si Delgado sa telebisyon dahil sa gag show na Goinâ Bananas noong 1980s. Naging markado ang papel niya sa pelikulang Tanging Yaman kung saan nagkamit niya ng best actor trophy sa FAMAS Award at Metro Manila Film Festival Award. Taong 2008 nang matuklasan na may sakit si Delgado ng lymphoma o kanser sa immune system. Asawa niya ang batikang direktor na si Laurice Guillen. Dalawa ang kanilang naging anak na sina Ina at Anna. - Fidel Jimenez, GMANews.TV