ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga sangkot sa broadband deal ipinapahabol kay Aquino


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Hiniling ni Senador Alan Peter Cayetano sa papasok na administrasyon ni Senador Benigno “Noynoy" Aquino III na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na national broadband network (NBN) project na hindi natuloy. Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Cayetano na kailangang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na proyekto para mapapanagot ang mga sangkot kahit pa hindi ito itinuloy ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ZTE Corp ng China. Ang panawagan ay ginawa ni Cayetano matapos absuweltuhin ng Office of the Ombudsman si Gng Arroyo at First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa anumang pananagutan sa umano’y pagpigil kay Rodolfo “Jun" Lozada na dumalo sa pagdinig ng Senado tungkol sa NBN-ZTE deal. Sa naunang desisyon ng Ombudsman, inirekomenda nito na kasuhan kaugnay sa nabanggit na kontrata si dating economic planning secretary Romulo Neri, na ngayon ay pinuno ng Social Security System. “Kabalintunaan ang pangyayari na maabsuwelto si Pangulong Arroyo sa pinakamalaking eskandalo ng katiwalian sa pamahalaan dahil hindi pa natatapos ng imbestigador ng gobyerno ang pagtutukoy sa merito ng kaso," ayon kay Cayetano na kabilang sa mga nag-imbestiga sa ZTE-NBN deal. Idinagdag ng senador na hindi umano ginamit ng imbestigador ang mga dokumento at testimonyang nakalap sa ginawa nilang imbestigasyon ng Senado. Sinabi ni Cayetano na makabubuting bigyan ng sapat na atensiyon ni Aquino ang usapin ng NBN-ZTE deal sa pamamagitan ng pagbuo ng panibagong imbestigasyon. Aniya, maraming ebedensiya at testimonya ang hindi nabigyan ng kaukulang pansin ng Ombudsman. Bukod kina Lozada at Neri, tumestigo rin sa pagdinig ng blue ribbon committee na dating pinamunuan ni Cayetano ang negosyanteng si Jose “Joey" de Venecia III, at ang dating chairman ng Commission on Elections na si Benjamin Abalos. Sinabi ni Neri sa Senado na inalok umano siya ng P200 milyon bilang suhol ni Abalos upang aprubahan ang naturang kasunduan. Ang naturang alegasyon ay pinabulaanan naman ni Abalos. Lumitaw din sa imbestigasyon ng Senado na nakitang nakikipaglaro ng golf sa China ang mag-asawang Arroyo kasama ang isang opisyal ng ZTE ilang buwan bago pumutok ang kontrobersiya. “When there is an overwhelming evidence of corruption committed by government officials, the last thing that the citizens would like to hear is some high rank officials being cleared from the charges of corruption related to this scandalous contract," ayon kay Cayetano. Sinabi ni Cayetano na magiging pagsubok sa administrasyon ni Aquino na nangakong tatapusin ang katiwalian sa gobyerno kapag nabigyan ng kalutasan ang usapin ng ZTE-NBN deal. - GMANews.TV