ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Noynoy hinikayat na ituloy ang implementasyon ng CARP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nanawagan kay President-elect Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Biyernes ang dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ituloy ang implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ayon kay Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dating pangulo ng CBCP, nararapat na ipagpatuloy ang naturang batas dahil nakatutulong ito sa mga maliliit na magsasaka. “Let us hope that there will be a good spirit in the implementation of the CARP law, these law is for the farmers," ayon kay Lagdameo sa panayam ng Radio Veritas. Ang CARP ay unang ipinatupad sa ilalim ng liderato ng pumanaw na si dating pangulong Corazon Aquino, ina ni Noynoy. Nabahiran ng kontrobersiya ang naturang programa dahil mismong ang ilang bahagi ng lupain ng mga Aquino sa Tarlac – na mas kilala bilang Hacienda Luisita – na nasakop ng CARP ay nakaipit ngayon sa usaping legal sa Korte Suprema. Nauna rito, ipinangako ni Noynoy nitong panahon ng kampanya na ipapamahagi sa mga benepisaryong magsasaka ang bahagi ng Luisita sa 2013 kapag nanalo sa halalan. Samantala, inirekomenda ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace ng CBCP si Christian Monsod, na italaga ni Aquino bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR). Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, tagapangulo ng CBCP-NASSA, malawak ang kaalaman ni Monsod sa batas para sa repormang pang-agraryo. Si Monsod ay dating pinuno ng Commission on Elections (Comelec), at asawa ni dating economic planning secretary Winnie Monsod. “Ang panawagan natin ay sana mag-appoint siya (Aquino) ng maayos na DAR secretary. Ang aking suggestion nga ay si Atty. Monsod dahil may malawak na siyang alam sa CARP law at may puso siya sa mga magsasaka," ayon kay Pabillo. Idinagdag ng Obispo na dapat suriing mabuti ni Aquino ang karakter at integridad ng mga taong itatalaga nito sa Gabinete para makatulong sa kanyang pangako na wawakasan ang katiwalian sa gobyerno at pag-alis ng kahirapan sa bansa. - GMANews.TV