Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

PEP: Regine Velasquez resumes shooting of her 2 films after Diva

July 27, 2010 3:08pm

Ang Diva ang una't huling teleserye ni Regine Velasquez ngayong taon. Yun lang daw kasi ang kaya niya sa dami ng ibang ginagawa ng Asia's Songbird.

Pero hindi naman tuluyang mami-miss ng kanyang mga tagahanga sa Regine sa TV kapag natapos na ang Diva ngayong Biyernes, July 30, dahil mapapanood pa rin siya sa musical-variety show na Party Pilipinas every Sunday.

TWO MOVIES. Bukod pa rito, dalawang pelikula niya ang ipalalabas bago matapos ang taon. Una na rito ang ikatlong pelikula nila ni Aga Muhlach sa Viva Films na Of All The Things at ang first indie film niya na Mrs. Recto.

Matagal nang nagsimula ang shooting ng pelikula nina Regine at Aga, pero may natitira pa raw silang shooting days.

"Konti na lang naman 'yon, siguro mga...ten days!" biro ni Regine nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa thanksgiving presscon ng Diva last Friday, July 23, sa 17th floor ng GMA Network Center.

Dahil hindi pa malinaw ang schedule nilang dalawa ni Aga, baka isingit muna ni Regine ang shooting ng Mrs. Recto, na ididirek ni Dante Nico Garcia. Si Direk Dante, o Ga para sa mga kailbigan niya, ang nagdirek ng Ploning ni Judy Ann Santos.

"I'm supposed to finish the one with Aga first para tapos na...kasi ang tagal na nun, e. So, dapat unahin ko muna 'yon. Kaya lang, siyempre hindi lang naman ako ang may schedule. May schedule din si Aga. So, kung hopefully habang hindi pa natatapos 'yon, then we'll do Mrs. Recto... Depende, depende sa magiging usapan," sabi ng singer-actress.

Nang tanungin kung may kissing scene sila ulit ni Aga sa pelikula nila, ito ang sinabi ni Regine: "Dyusko, hindi pa ba kayo nasanay na lahat ng leading man ko pinagsasamantalahan ko? Chance ko na 'to!"

Unang nagkasama sina Regine at Aga noong 1998 sa Dahil May Isang Ikaw at nagsama silang muli noong 2001 sa Pangako Ikaw Lang.

RECORDING and PARTY PILIPINAS. Dahil sa pagiging busy ni Regine sa paggawa ng teleserye ay pelikula ay hindi niya maharap ang kanyang recording career. Ang huling album niya ay ang Low Key na noon pang 2008 ini-release.

"Kasi nga na-busy ako sa Diva, so hindi ako nakakapag-record," paliwanag niya. "I lost my voice, e. Actually, kaka-recover pa lang ng boses ko, nagkasakit naman ako. So, ngayon malat na naman ako. Kasi yung soap nakaka-ano talaga, siyempre sumisigaw ka, kumakanta. E, minsan kumakanta ako live. Nakakamalat yung umiiyak ka."

Bukod sa "pagsigaw at pagkanta" niya sa Diva ay panay rin ang birit niya sa Party Pilipinas.

"Hindi ko nga alam dun sa mga yun, e. Sabi ko, 'Gusto n'yo ba patayin n'yo na lang ako?'" natatawang sabi ni Regine. "Yung first time ko na nag-Party Pilipinas ako after a while, wala talaga akong boses. Kaya lang nahiya na ako na hindi mag-attend. Tapos, I think I have five numbers and the whole time I was belting, parang 'Hindi ko na kaya.'"

Pero parang hindi naman halata na wala siyang boses that time dahil naabot pa rin niya ang pinakamatataas na nota.

"Naiiyak na nga ako. Kumakanta silang lahat, nagdadasal ako!" bulalas naman niya.

Pero mukha namang nagpe-pay off yung hirap niya at ng lahat ng bumubuo ng Party Pilipinas dahil marami na ang nagkakagusto at tumataas na ang rating nito.

"Oh, yeah," pagsang-ayon ni Regine. "The good thing about it also is that I think we are creating or setting a trend. And two, parang nag-start kami ng ibang klaseng viewers. Medyo ang hirap habulin. Pero okay, okay din, ang ganda ng nagiging feedback."

Tapos na rin daw ang mga problema na pinagdaanan nila noong una sa show, na naging dahilan para mag-resign ang unang direktor ng Party Pilipinas na si Louie Ignacio.

"Dapat wala na kasi naipakita na natin na what we are doing now works," sabi ni Regine.

Nape-pressure pa rin ba sila?

"We are still pressured, especially yung staff kasi kailangan mong panindigan, e. Kaming mga artists, gagawin lang namin kung ano pinapagawa sa amin, e. Ang pressure, more on the creative, the directors, and the staff talaga."

Ano naman ang masasabi niya sa dalawang direktor ngayon ng Party Pilipinas na sina Mark Reyes at Rico Gutierrez?

"They're both great. They both do a great job," sagot ng Asia's Songbird. - Erwin Santiago, PEP
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus