GMA News Online Showbiz

iGMA: Rufa Mae Quinto wants the 'power of love'

July 27, 2010 3:28pm
Isa si Rufa Mae Quinto sa cast ng pinakabagong sitcom ng GMA ang Kaya ng Powers. Sa press launch ng nasabing show, hindi maiwasang ungkatin ang love life ng controversial comedienne.

Ilang linggo lang ang nakakaraan nang magsalita si Rufa Mae about her mysterious fiancé na nakagiliwang tawagin na ng press na si "Mr. M". May naglabasang mga pangalan at mga speculations kung sino nga ba itong lalaking nali-link sa sikat na komedyante.

Isa ng nga dito ang kanyang katambal sa show na si Joey Marquez, na tinawanan lang ang intriga. Pero mas matunog ang pangalan ng isang politician, na nauna nang itinanggi ng aktres.

Kaya naman nang tinanong ang cast kung anong powers ang gusto nila in line with the show, maraming nagtaas ng kilay nang sinabi ni Rufa Mae na ‘power of love’ ang gusto niyang makuha.

"Hindi, kasi 'yun lang naisip ko and I think that’s the best right? The power of love and eto yung show na ‘to hindi lang comedy, punong-puno rin ng pagmamaghal, pang pamilya eh, with love and laughter," pabirong paliwanag ni Rufa Mae sa press.

Pero muli siyang inintriga ng mga reporters at tinanong tungkol sa napapabalita niyang wedding.

"Oo, importante ang wedding pero nakakapagod na eh. Kasi I want to talk about it siguro ng isang bonggang bongga tapos may katabi na’ ko. Hindi na ‘yung mysterious man tapos, pagkatapos noon hindi naman ninyo alam di ba? Ayoko na. Ayokong magmukhang tanga. Kasi ganoon eh, kahit na gusto mo lang maging masaya, para akong tanga," madamdaming sagot ng aktres.

Halatang nagiging emosyonal na ang komedyante sa issue about her love life, pero itinuloy pa rin niya ang pagsagot.

"Walang biro, 'di ba kasi kung sinu-sino na 'yung nasasabi nilang name. Oo, natatawa ako kasi wala akong choice. Pero siyempre 'di ba 'yung totoo parang, 'Okay, sige comedy na rin pati love life ko," dagdag niya.

Pero ano nga ba ang dahilan kung bakit hindi matuloy-tuloy ang kanilang kasal ni "Mr. M"?

"Eto I’ll be honest na. Nag-usap na rin kami nina Ma’am Wilma [Galvante, GMA's SVP for entertainment], bilang artist nila for so long. I told them, ‘Ibigay niyo 'to sa akin ‘tong dalawang taon.’ Ayan to be honest, na itodo ko yung dapat kong gawin, parang gusto kong itodo sa trabahong ‘to eh," paliwanag niya.

Ito ang panahon para malaman ni Rufa Mae kung talagang aalis na siya sa showbiz o hindi. Bukod pa rito, kasama rin daw sa kanyang plano ang magkaroon ng anak at paglaanan niya ito ng sapat na panahon.- Loretta G. Ramirez, iGMA.tv
We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus