ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagpapadala ng OFW sa SKorea sinuspindi


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Sinuspindi na ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga migranteng manggagawa sa South Korea bunga ng tumitinding tensiyon sa Korean Peninsula dahil sa pambobomba ng katunggali nitong North Korea. Sa ulat ng DzRB radio nitong Sabado, sinabing ang rekomendasyon na suspindihin ang pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa SKorea ay nagmula kay Foreign Affairs Undersecretary Esteban Conejos Jr. matapos pag-aralan ang sitwasyon sa nabanggit na bansa kasama ang mga labor official. Idinagdag sa ulat na inihayag din ni deputy presidential spokeswoman Abigail Valte na ang desisyon ay naaayon sa posisyon ng DFA, Department of Labor and Employment, at maging ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ayon pa umano kay Valte, nagbigay din ng direktiba si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa mga kinauukulang ahensiya na suriing mabuti ang sitwasyon sa SKorea at gumawa ng kaukulang hakbang. Batay sa pinakabagong talaan ng pamahalaan, umaabot sa 46,000 Pilipino — kasama ang mga hindi dokumentado — ang nasa South Korea. Sa hiwalay na panayam ng dwIZ radio, sinabi ni Conejos na tinatayang 1,000 OFWs ang nakatakdang magtungo sa Korea sa susunod na buwan (Disyembre). Nananatiling mataas ang tensiyon sa Korea matapos ang pambobomba ng NKorea sa isang isla sa SKorea. Kasunod nito ay pagdaraos ng joint military exercises ng SKorea at kaalyado nitong bansa na United States. Tiniyak naman ni Valte na nakahanda ang pamahalaan na ilikas ang mga Pinoy kapag lumubha ang sitwasyon sa Korea. Isa ang bansang Japan sa posibleng pagdalhan ng mga ililikas na Pilipino sa Korea. Iniutos na rin umano ni Aquino na magsagawa ng "test-run" ang pamahalaan sa planong paglikas. "He is taking the more prudent way in making sure and he wants to make sure na kung sakali, handa tayo," ayon sa opisyal. "We are hoping 'di ito mangyari. Mas mabuti on the side of government to be prepared for any eventuality."— GMANews.TV