ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang mambabatas tutol na ibalik ang US military bases sa Pinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nagpahayag ng pagtutol ang ilang mambabatas kaugnay sa napaulat na posibleng pagbabalik ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Nagpahayag ng pagdududa si Bayan Muna party-list Teodoro Casiño, sa ginawang pagbisita sa Subic ng dalawang senador mula US at nasundan ng ugong sa posibleng pagbabalik ng mga base militar ng US na ibinasura ng Pilipinas noong 1991. “We will not allow the return of the US or any foreign bases in the Philippines as this will be an affront to our independence and sovereignty," deklara ng militanteng kongresusta. Idinagdag naman ni Kabataan party-list Rep. Raymond Palatino, na hindi maaaring balewalain ang posibilidad na ibalik ang base militar ng Amerika. “We are celebrating this year the 20th anniversary of the historic (Philippine) Senate vote rejecting the US bases treaty in 1991. Instead of welcoming the return of G.I. Joe, we should continue to assert our sovereignty and independence," pahayag ni Palatino. Umaasa ang kongresista na rerepasuhin ng Senado ang Visiting Forces Agreement (VFA) at atasan si Aquino na magbigay ng malinaw na posisyon tungkol sa naturang kasunduan sa US. Pinuna naman ni Gabrile party-list Rep. Luzviminda Ilagan, kung bakit itinaon ang pagbisita ng US senators sa Subic sa panahon na rerebisahin ang VFA. “The US would want to retain a base or stronghold in the Philippines, which has a strategic location in Asia. The return of the bases formalizes and extends the VFA," aniya. Sinasabing binisita lamang nina US Sens Daniel Inouye at Thad Cochran, ang Subic at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Olongapo City, para alamin ang kalagayan ng lugar mula nang lisanin ito ng tropa ng Amerika noong 1991. Itinanggi rin ng Malacanang ang mga espekulasyon na plano ng pamahalaan na ibalik sa bansa ang mga base military ng US. "There was nothing political discussed [nina Pangulong Aquino at dalawang US senator]," ayon kay presidential spokesman Edwin Lacierda. Dagdag pa ni Lacierda, ang mas mapag-usapan umano sa naturang pulong ay ang Save Our Industries Act o SAVE Act. Sa magkahiwalay na panayam, nagpahayag din ng pagtutol sina Sens Jinggoy Estrada at Gregorio “Gringo" Honasan, ibalik pa ang mga base military ng US sa bansa. Sinabi ng mga senador na wala naman umanong nakuhang benepisyo ang Pilipinas sa pananatili ng mga US bases noon, maliban sa mga naiwang pinaglumaang gamit sa base militar. “Dapat dahan dahan tayo dito at dahil hindi pa nga tapos ang review at performance audit ng VFA heto na naman tayo. Baka ma-railroad na naman tayo dito. Pag-aralan mabuti ang issue na ito,"giit ni Honasan. Bukas naman si Sen Vicente “Tito" Sotto III sa posibleng pagbabalik ng US military base sa bansa ngunit mayroon siyang mga ilalatag na kondisyon na hindi muna niya inihayag. - GMA News