ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Susunod na Ombudsman mahalaga raw sa mga poporma sa 2016 presidential polls


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Magkakaroon umano ng mahalagang papel ang papalit sa nagbitiw na si Merceditas Gutierrez bilang pinuno ng Office of the Ombudsman, para sa mga mag-aambisyong tumakbong presidente sa 2016 elections. Ayon kay Sen Miriam Defensor Santiago, hindi siya nagtataka kung matindi ang banggaan ang mga umano’y paksiyon sa Malacanang para maiupo ang kanilang kandidato bilang bagong Ombudsman. “I can perceived that there is on-going power struggle among the various squabbling groups within the administration. Some of these political groupings think that if they control the Ombudsman, they will control the presidential election in 2016," pahayag ng senadora sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules. Epektibo ang pagbibitiw ni Gutierrez simula sa Mayo 6. Matapos nito, magsusumite ng listahan ang Judicial Bar Council (JBC) ng mga nominado sa mababakanteng puwesto sa Ombudsman. Ang Ombudsman ang nagsisiyasat at naghahain ng reklamo sa Sandiganbayan laban sa mga opisyal ng pamahalaan na inaakusahang sangkot sa katiwalian. Paliwanag ni Santiago, maaaring madiskaril ang ambisyon ng isang pulitiko na magbabalak tumakbong pangulo sa 2016 kapag may naghain ng reklamo sa Ombudsman, at iakyat ng Ombudsman ang reklamo sa Sandiganbayan. “All the Ombudsman to do is to file anti-graft cases against the rival of their own candidate and even worst file the cases before the Sandiganbayan court, that would effectively handicapped the competitor," ayon sa mambabatas. Ngayon pa lang, matunog na ang pangalan nina Vice President Jejomar Binay at dating Sen Mar Roxas, na posibleng tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan sa 2016. Lumabas sa mga ulat na may dalawang paksiyon sa Malacanang na magkahiwalay na sumusuporta kina Binay (Samar group) at Roxas (Balay group). “So I cautioned the media to pay close attention to the name being floated. For example, I know that these two groups each one is affiliated to a potential presidential candidate in 2016. Who are respectively pushing for their own person," paalala ni Santiago. 'Ombudsman Gibo' Kasabay nito, inirekomenda ni Santiago na ipalit sa Ombudsman si dating Defense Sec Gilbert Teodoro, na naging kandidato ng partidong Lakas-Kampi-CMD ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo – na kongresista na ngayon ng Pampanga. Bilang dati niyang estudyante, sinabi ni Santiago na hindi matatawaran ang integridad at husay ni Teodoro, na naging bar topnotcher at pinsan ni Pangulong Aquino. "I will very strongly recommend Teodoro. His integrity is beyond question and his allegiance to the rule of law has been proved to me many times by his comments on certain legal issues. He would make the best candidate," ayon sa senador. Hindi umano dapat maging usapin ang pagiging dating opisyal ni Arroyo para hindi ikonsidera si Teodoro sa Ombudsman. "I was a professor when he was a student and I have always marked him out for great things," deklara ni Santiago. -- GMA News