ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Pinuno ng NEDA, lusot na sa CA
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA â Nakalusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules ang kumpirmasyon ni National Economic Development Authority (NEDA) director-general Cayetano Paderanga Jr. Matapos ang ilang oras na deliberasyon ng CA, inaprubahan ni Senate President Juan Ponce Enrile, tumatayong tagapangulo ng CA, ang ginawang paghirang ni Pangulong Benigno âNoynoy" Aquino III kay Paderanga sa NEDA. Ilang araw bago isalang sa deliberasyon ang kumpirmasyon ni Paderanga, ilang kontra ang sumulat kay Enrile para harangin ang pagtatalaga sa opisyal. Inakusahan nila na hindi naging maayos ang pamamahala ni Paderanga sa mga hinawakan nitong pribadong kompanya. Sa ginawang pulong ng CA, ipinagtanggol ni Paderanga ang sarili laban sa mga akusasyon sa kanya. Kabilang sa tumututol kay Paderanga sina dating Foreign Affairs Secretary Roberto Romulo at Stock Exchange director Vivian Yuchengco. Sa liham ni Yuchengco, pinuna nito ang sistema ng trabaho ni Paderanga na lagi umanong lumiliban at hindi kinukompleto ang oras ng trabaho nang pangulo pa ito ng Philippine Stock Exchange noong 2004. Inakusahan naman ni Romulo na nasangkot sa ilang usapin tungkol sa katiwalian si Paderanga noong namumuno pa sa CIBI Information Incorporated mula 2000 hanggang 2007. Subalit matapos idipensa ang sarili, nagdesisyon ang mga miyembro ng CA na aprubahan ang kumpirmasyon ni Panderanga. Ilan sa mga miyembro ng Gabinete ni Aquino na nauna nang nakalusot sa CA ay sina Secs. Rosalinda Baldoz (Labor and Employment), Mario Montejo (Science and Technology), Enrique Ona (Health), Executive Sec. Paquito Ochoa, Rogelio Singson (Environment and Natural Resources), Proceso Alcala (Agriculture), Alberto Lim (Tourism), Jose Rene Almendras (Energy), Gregory Domingo (Trade and Industry), Armin Luistro (Education) at Florencio Abad (Budget and Management). Ang CA ay pinamumunuan ng Senate president at kinabibilangan ng 12 senador at 12 kongresista. - GMA News
More Videos
Most Popular