Dagupan River Cruise
May pantapat na ang bayan ng Dagupan sa Pangasinan sa sikat na river cruise ng Loboc sa Bohol. Sinimulan na kasi ng lokal na pamahalaan ang Dagupan River Cruise na inaasahang magpapalakas sa turismo sa tinaguriang âBangus Capital" ng Pilipinas. Pinasinayaan kamakailan ng lokal na pamamahalaan sa pangunguna ni Dagupan City mayor Benjie Lim at mga opisyal ng local tourism department ang bagong proyektong river cruise. Sa ngayon, tatlong pinasadyang bangka na mistulang mga bahay-kubo ang ipinagawa ng lokal na pamahalaan na kayang magsakay ng hanggang 20 tao na nais baybayin ang ilog. Nakaplano rin ang paggawa ng mas malaking bangka na magsilbing floating restaurant. Hindi naman ikinaila ni Mayor Lim na ang konsepto ng proyekto ay hango sa sikat na Loboc River Cruise na isa sa mga pangunahing toursit attraction ng Bohol. Ayon sa alkalde, bagaman kilala na at dinadayo ang taunang âBangus Festival" ng Dagupan, panahon na para magdagdag ng mga proyektong magpapalakas ng turismo sa lungsod. Suportado naman ng DOT-Region 1 ang naturang proyekto, at nakikita na malaki ang magiging potensiyal nito sa turismo ng Dagupan. - FRJimenez, GMA News