ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagtalaga ni PNoy sa ‘family friend’ bilang embahador sa China, idinepensa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Hindi umano dapat kuwestiyunin ang kapangyarihan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa pagpili nito ng mga taong itinatalaga sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Ang pahayag ay ginawa ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, para idipensa ang pangulo laban sa mga puna kaugnay sa umano’y paghirang kay Domingo Lee bilang Philippine ambassador to China. Sa isang ulat na lumabas sa pahayang 'Daily Tribune' nitong Sabado, sinabing “family friend" ng mga Aquino si Lee. Bukod dito, wala umanong karanasan si Lee sa usapin ng diplomatikong pakikipag-unayan. Mahalaga umano ang papel na gagampanan ngayon ng embahador ng Pilipinas sa China kasunod na rin ng umiinit na tensiyon sa dalawang bansa dahil sa paghihimasok umano ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas. “We would not wish to question the President’s judgment… It is the President who sees the broader spectrum of things. Mas nasa posisyon siya para makita kung sino ang pwede sa puwesto," paliwanag ni Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Dapat din umanong bigyan ng pagkakataon si Lee na maipakita ang kanyang kakayahan bago ito husgahan. Dagdag pa ni Valte, ang Commission on Appointments ang tamang lugar para kuwestiyunin ang kuwalipikasyon ni Lee. Ang CA ay lupon ng mga senador at kongresista na sumusuri sa kakayahan ng mga itinatalaga ni Aquino sa puwesto, gaya ng mga kalihim at embahador. Nitong Biyernes, naghain ng resolusyon si Akbayan party-list Rep. Walden Bello para hilingan sa Kamara de Representantes na pag-aralan kung papaano mababago ang tawag sa South China Sea, bilang West Philippine Sea. Paliwanag ni Bello, bagaman maaaring magpalabas ng kautusan ang pamahalaan ng Pilipinas na West Philippine Sea na ang itawag sa kontrobersiyal na bahagi ng karagatan na malapit sa Palawan, kailangan pa rin magkaroon ng hakbang para opisyal na kilalanin din ito ng “international community." – FRJ, GMA News