GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Imahe ng Sto. Niño sa Kalibo, lumuha?

June 18, 2011 4:15pm
Palaisipan ngayon sa ilang residente sa isang barangay sa Kalibo, Aklan ang umano'y pagluha ng isang imahe ng Santo Niño.

Sa ulat ng dzXL radio nitong Sabado, sinabing natuklasan ng pamilya Torcuator na naninirahan sa Brgy New Buswang, ang kakaibang pangyayari sa Santo Niño noong Martes ng gabi.

Idinagdag sa ulat na si Salvador Torcuator ang nakakita sa paglabas ng luha sa mata ng Santo Niño at dumaloy sa pisngi ng rebulto.

Ang naturang imahe ay nasa pamilya Torcuator mula pa noong 1981. Imposible raw na tubig ulan ang dumaloy sa mata ng imahe.

Batay umano sa faith healer na kinunsulta ng pamilya, nais lang umano ng Santo Niño na mapalitan ng kasuotan.

Ang Aklan ay isa sa mga lalawigan na maraming naninirahan ay deboto sa Santo Niño. — GMA News
Go to comments