Ekta-ektaryang palayan sa Rosales, lubog pa rin sa tubig dahil kay Bagyong Juaning
Apektado ngayon ang kabuhayan ng mga residente sa Sitio Caballitan, Camanggaan, Rosales, Pangasinan. Mahigit sa Isang daang ektaryang lupain kasi sa lugar ang lubog ngayon sa baha dulot ni Bagyong Juaning. Nagmistulang overflowing din ang pagragasa ng tubig patungong palayan. Bunsod ng malakas na pagbuhos ng ulan kahapon, ang dating malinis na palayan, nagmistulang sapa na. Umapaw din kasi ang tubig mula sa kailugan ng barangay patungo sa kalapit na palayan sa lugar. Maging ang ilang tricycle na dumadaan sa kalsada, hirap ding suungin ang lampas tuhod na tubig. Sanay na umano ang mga residente sa ganitong sitwasyon tuwing may dumarating na bagyo sa lalawigan. "Taun-taon na nararanasan ang pagbaha...Mababa kami dito, dito ang bagsak ng tubig" ito ang sinabi ni Brgy. Kagawad Fernando Abalos. Kanya-kanya ring paraan ang mga residente sa pagsalba ng kanilang gamit, ilan din kasi sa mga kabahayan doon pinasok na rin ng tubig. Ang ilang mga gamit inangat sa pamamagitan ng upuan. Umaasa naman ang mga residente sa pagsulyap ni haring araw nang sa gayon bumaba na ang tubig baha sa lugar. Paglilinaw naman ng San Roque Power Corporation (SRPC), ang nararanasang pagbaha sa ilang parte ng Rosales ay bunsod ng pag-apaw ng Banila River sa bahaging Umingan at direkta nitong naaapektuhan ang ilang lugar sa bayan. Sa ngayon wala umanong dapat ikabahala ang publiko dahil hindi pa nagbukas ng floodgates ang San Roque Dam, ito ay ayon kay SRPC Corporate Social Responsibility Vice President Tom Valdez. Dagdag pa ni Valdez, "Mababa pa ang elevation natin. Mga 27 meters pa ang kailangang abutin for the spilling level". Kasalukuyang nasa 253.26 meters above sea level ang tubig sa San Roque Dam na matatagpuan sa San Manuel, Pangasinan. --Glamorfe L. Calicdan