ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mayor Junjun, idinepensa ang ambisyon ng amang si VP Binay na maging pangulo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MALOLOS CITY — Tiniyak ni Makati City Mayor Junjun Binay na nakatutok ang kanyang ama na si Vice President Jejomar Binay sa kanyang trabaho kahit maaga nitong inanunsyo ang planong pagtakbong pangulo sa 2016 elections. Pagtiyak ng nakababatang Binay, hindi maaapektuhan ang trabaho ng kanyang ama kahit patuloy ang hangarin ng nakatatandang Binay na makamit ang pangarap nitong maging lider ng bansa. Ang pahayag ay ginawa ni Mayor Junjun matapos magsilbing kinatawan ni VP Binay bilang panaunhing tagapagsalita sa ika-113 taon na paggunita sa pagbubukas ng Kongreso ng Malolos, Bulacan na ginawa sa sa makasaysayan Barasoain Church nitong Huwebes. Sa hindi pagdalo sa okasyon sa Bulacan, ipinaliwanag ni Mayoy Junjun na hindi hangad ng kanyang ama na hindi siputin ang pagtitipon ngunit sadyang may nauna na itong kompromiso. Nagtungo umano si VP Binay sa Tuguegarao City kung saan aasikasuhin nito ang programa tungkol sa pabahay. “He is not snubbing Bulacan, as a matter of fact, we trace our roots here," pahayag ng nakababatang Binay, sabay sabing ang kanyang ina na si Elenita ay nagmula sa bayan ng Angat. Tungkol sa maagang deklarasyon ng kanyang ama na tumakbong pangulo sa 2016, sinabi ni Mayor Junjun na kung tutuusin ay tatakbo sanang pangulo ang nakatatandang Binay noong 2010 presidential elections. “Its no secret that he is planning to run for the presidency in 2016; as a matter of fact, he was supposed to run last year, but he gave way to the candidacy of President (Benigno) Aquino," ayon sa alkalde. Itinuturing din nilang logical step na tumakbong pangulo ang isang opisyal na nahalal na pangalawang pinakamataas na lider ng bansa. Umiwas naman si Mayor Junjun nang tanungin tungkol sa posibilidad na makuha ng kanyang ama ang suporta ni Aquino sa 2016 polls dahil nakadepende umano ito sa desisyon ng pangulo. Bagaman si Sec Mar Roxas ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang naging running mate ni Aquino sa ilalim ng Liberal Party sa nakaraang Ma 2010 elections, sinasabing may paksyon pa rin sa kampo ng pangulo ang nagsulong sa tambalang “Noy-Bi" o Noynoy-Binay. -- GMA News