ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dinukot na Pakistani businessman sa Bataan, natagpuang patay sa Pampanga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Natagpuang patay sa lalawigan ng Pampanga nitong Martes ang negosyanteng Pakistani na dinukot ng mga armadong lalaki na nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Bataan noong Lunes. Ang biktimang si Muhammad Shahid Nadeem, 32-anyos, na dinukot sa Dinalupihan public market sa Bataan ay nakitang patay malapit sa Gumain river sa Brgy Pabanlag, Florida Blanca sa Pampanga nitong Martes ng hapon. Sinabi ni Senior Supt. Arnold Gunnacao, Bataan police director, ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at likuran mula sa cal 45 na baril. “Nakita namin ang tao na nakagapos sa dalawang kamay patalikod, nakasubsob at nakabalot ng damit ang buong mukha," ayon naman sa barangay tanod na si Alfredo Aragon. Sinabi ng ibang kababayan ni Nadeem na halos isa’t kalahating taon pa lamang mula nang dumating ito sa Dinalupihan para magnegosyo tungkol sa cellphone. Wala raw silang kilalang kaaway ng biktima. Ikinuwento naman ng isang testigo kay Gunnacao na tatlong lalaki na nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation ang kumuha sa biktima. Nakiusap umano ang testigo sa tatlong suspek na pag-usapan na lamang sa lugar kung ano man ang problema. Pero nang hindi sila pagbigyan, inusisa niya kung saan dadalhin ang biktima. Galit umanong nagpakilala ang tatlo na taga-NBI at ipinakita ang kanilang damit na may nakasulat na “NBI." Sa takot na madamay, wala raw nagawa ang testigo nang isakay ang biktima sa isang pulang sasakyan. Tiniyak naman ni Gunnacao na gagawin ng pulisya ang lahat para mahuli ang tatlong suspek sa pagpatay kay Nadeem. Idinagdag ni Gunnacao na lumitaw sa ginawa nilang pagtatanong sa NBI offices sa Olongapo City, San Fernando City (Pampanga) at Manila, na walang isinagawang operasyon ang ahensiya sa Bataan nang araw na dukutin si Nadeem. - Ernie E/FRJ, GMA News