ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pondong pang-ayuda sa OFWs sa 2012, ‘di raw sapat


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Para sa isang senador, hindi raw makatwiran ang P150 milyon na inilaan ng pamahalaan para sa Distress Nationals Assistance Funds sa 2012 kumpara sa $16 bilyong kinita ng pamahalaan mula sa ipinapadalang remittances ng mga overseas Filipino workers (OFWs). Sa deliberasyon ng Senado para sa 2012 budget ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi Sen. Francis Escudero na dapat dagdagan ng gobyernong Aquino ang inilaang pondo upang matulungan ang mahigit anim na milyong OFWs na nagtatrabaho sa abroad. Sa ganitong paraan ay masusuklian umano ng pamahalaan kahit kaunti ang pagsasakripisyo ng mga OFWs na napalayo sa pamilya at pagiging matatag naman ng ekonomiya ng bansa. Ang P150 milyon assistance to national fund ay ginagamit ng DFA sa pagkakaloob ng legal na tulong at iba pang pang-ayuda sa mga nagigipit na OFWs sa abroad. “It means, the entire government, including Congress, has short changed the OFW since they are infusing $16 billion in annual remittances, but we only give them P150 million funds to help them whenever they need legal assistance, food and shelter abroad," puna ni Escudero. Sa datos na ibinigay ng DFA sa komite na pinamunuan ni Sen. Franklin Drilon, lumitaw na umabot sa 19,1000 OFWs ang nakakulong sa iba’t ibang bahagi ng mundo sanhi ng kinahaharap na kaso tulad ng paglabag sa immigration law, pagnanakaw at iba pa. Mula sa 19,100 OFWs, tanging 7,1000 lamang ang natulungan ang DFA dulot ng P79 milyong pondong inilaan ng gobyerno sa Distress Nationals Assistance Funds sa kasalukuyang taon, na itinaas ng 83% para sa 2012 kaya umabot sa P150 milyon. “Lugi talaga ang mga OFWs. Imagine we have just allocated $100 per OFW for assistance, legal or other things such food shelter and repatriation expenses. Kulang talaga, sana dagdagan naman nila," pahayag ni Escudero. Sinabi naman ni Drilon na maliban sa P150 milyong pondo sa DFA, may nakalaang hiwalay na pondo sa Overseas Workers Welfare Fund Administration (OWWA) upang tulungan ang OFWs na nagigipit sa abroad. Gayunman, ang pondo ng OWWA ay magagamit lamang bilang ayuda sa mga OFW na legal ang pagtatrabaho sa abroad at hindi kasama rito ang mga undocumented. Para naman sa blood money, sinabi ni Drilon na hindi maaaring gumawa ang Kongreso ng partikular na probisyon sa ganitong bagay bagkus maaari itong kunin sa discretionary fund ng Pangulo o mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Ang blood money ay pagbabayad ng pera sa naiwang pamilya ng taong napaslang ng OFW sa abroad partikular sa Gitnang Silangan upang maisalba ang buhay nito. Suportado naman ni Sen Vicente Sotto III ang panawagan ni Escudero na dagdagan ang pondo para sa pagkakaloob ng tulong sa mga OFW, alinsunod sa itinakda ng Migrant Workers Act. - GMA News