ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tayaan ng ‘itlog’: Travel issue ng mga Arroyo, naging ‘below the belt’ na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Naging “below the belt" na ang legal na usapin tungkol sa pagbiyahe ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mister nitong si Atty Jose Miguel “Mike" Arroyo, matapos magkahamunan na magtanggalan ng “itlog" (testicles). Sa panayam ng cable channel ANC nitong Miyerkules, sinabi ni Atty Ferdinand Topacio, abogado ni G Arroyo, na handa niyang ipatanggal ang kanyang “itlog" kapag hindi bumalik ng bansa ang mag-asawang Arroyo. Kumpiyansa raw ang abogado na tapat ang mag-asawa na babalik sila sa bansa kapag naipasuri sa abroad ang sakit ni Gng Arroyo kaya niya tinanggap na hawakan ang kaso nito. Sa panayam sa telepono ng GMA News Online nitong Miyerkules ng gabi, hinamon naman ni Atty Raul Lambino, legal spokesman ni Gng Arroyo, si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na tapatan ang hamon ni Topacio. “Kung makaalis sila (Arroyo couple) at bumalik, handa rin kaya si PNoy (Aquino) na magpatanggal ng betlog?" hamon ni Lambino. Sinabi ni Lambino na hindi lang “balls" ang handa nilang itaya para ipaglaban ang karapatan ng tao na bumiyahe na pinoprotektahan sa ilalim ng Saligang Batas.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Handa kaming magpakulong, kahit buhay namin itataya namin dito. Pero ang tanong, payagan kaya ni PNoy na makabalik ang Arroyo couple kapag nakaalis?" dagdag ng abogado ni Gng Arroyo. Dinumog ng media ang mag-asawang Arroyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Martes ng gabi nang subukan nilang umalis ng bansa patungong Singapore. Ang pagtatangka ay ginawa ng mga Arroyo ilang oras matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema laban sa watch list order (WLO) na ipinalabas ng Department of Justice (DOJ) laban sa mag-asawa. Sinabi ni Lambino na tuloy pa rin umano ang plano ng mga Arroyo na subukang umalis muli ng bansa sa Huwebes. Hindi natuloy ang planong pag-alis muli ng mga Arroyo nitong Miyerkules ng hapon dahil tumaas daw ang blood pressure ni Gng Arroyo. Sa isang pahayag, hinimok ni presidential spokesperson Edwin Lacierda si Gng Arroyo na ipagpaliban ang pagbiyahe at magpahinga na muna habang dinidinig ng SC ang usapin tungkol sa TRO sa WLO ng DOJ. "In order to obviate or to prevent another instance of high blood pressure tomorrow, we would like to request former President Arroyo to just rest at home and stay there in order to avoid the public hullabaloo that happened yesterday," ayon kay Lacierda. Umaasa rin umano ang opisyal ng Malacanang sa mabilis na pagkabawi sa high blood pressure ng dating pangulo. Pero binalewala ni Lambino ang pakiusap ni Lacierda at inakusahan ang pamahalaang Aquino na siyang responsable sa napipintong constitutional crisis dahil sa hindi pagsunod ng DOJ sa desisyon ng SC. “Ilegal ang ginagawa nila (Aquino government), hindi nila alam at sinusunod ang batas. Sobra-sobra pa ito sa culpable violation of constitution na pwedeng basis para ipa-impeach si PNoy," ayon kay Lambino. Gayunman, aminado si Lambino na malabong maipa-impeach si Aquino dahil mayorya sa mga kasapi ng Kamara de Representantes ay kaalyado ng administrasyon. - GMA News