Transport groups, duda sa intensyon ng oil price rollback
Matapos ihayag ng ilang mga kumpanya ng langis ang plano nilang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo pagsapit ng hating-gabi nitong Linggo, nagpahayag naman ng nagduda ang ilang transport groups sa intensyon ng oil firms. Pahayag ni Obet Martin, pinuno ng Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association (Pasang Masda), matapos umano silang maghain ng petisyon para sa P2 jeepney fare hike sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), agad namang inihayag ng Shell, Petron, Chevron at Sea Oil ang P1.5 /litter rollback sa diesel; P0.80/L sa unleaded gasoline; P0.70/L sa regular gasoline; at P1.15/L sa kerosine. Nauna nang nagtapyas ng presyo ang Flying V noong Nobyembre 27. Sa kabila nito, hindi natuwa ang Pasang Masda sa bawas presyo ng diesel lalo na't mayroong petisyon ang mga jeepney driver para sa frare hike na nakahain ngayon sa LTFRB. "Nang nag-file kami ng petition of increase two weeks ago, sinabayan nila ng rollback. This is unprecedented na rollback nila. Kinakabahan ako na ito ay ploy lamang upang i-atras namin ang aming," ayon kay Martin sa panayam sa Balitanghali. Sinang-ayunan naman ito ng grupong Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO). Ayon kay Efren de Luna, pinuno ng grupo, hindi umano sila aatras sa kanilang petisyon para sa fare hike sa kabila ng oil-price rollback. Hindi lamang umano presyo ng petrolyo ang naging basehan sa kanilang hinihinging taas-pasahe. Ayon kay De Luna, nanatiling mataas ang presyo ng spare parts, pati na rin ang toll rates. Samantala, aabangan umano ng Pasang Masda ang magiging galaw ng presyo ng petrolyo hanggang Disyembre 8, kung kailan itinakda ng LTFRB ang public hearing sa fare-hike petition. Aniya, "Sana December 8, gawin na nilang 43 ang Diesel, we are going to withdraw our formal petition for increase of rates." Aabot pa rin sa halos P47 kada litro ng diesel sa panibagong rollback. Habang nasa pagitan naman ng P55-57 ang gasolina depende sa klase nito. Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng transport group na Piston sa pagbasura ng Oil Deregulation Law at sa pag-alis ng Value Added Tax (VAT) sa langis. Sa darating na Lunes, aalamin ng Department of Energy kung tama ang computation sa ipatutupad na rollback. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News