ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagtapon ng 20 toneladang tuna sa Sarangani Bay, iniimbestigahan na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Sarangani ang imbestigasyon kung sino ang nasalikod ng pagtambak ng mahigit 20 toneladang nabubulok na skipjack at bonito tuna sa baybayin ng tatlong barangay sa bayan ng Maasim sa Sarangani Bay. Sa panayam ng Mindanews, sinabi ni Rolando Tuballes, pinuno ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Sarangani, na natagpuan ang mga nangangamoy na isda noong Lunes sa mga baybayin ng barangay Pananag, Kanalu at Lumatil. Nilinaw ni Tuballes na hindi fish kill ang sanhi ng tone-toneladang nabubulok na tuna. Dagdag pa niya, may mga mangingisda umanong kumuha ng mahigit 10 toneladang mga nabubulok na tuna at dinala sa hindi pa matukoy na lugar. Ipinag-utos na rin umano ni Maasim vice Mayor Utto Salem Cutan ang pag-iimbestiga sa pangyayaring ito. “Based on our investigation, the fishes were caught using likom method (net fishing) by still unknown group fishermen...," pahayag ni Tuballes sa Mindanews. Batay sa sa inisyal na imbestigasyon, overfishing umano ang itinuturong dahilan sa insidente. Hindi pa matukoy ang mga may sala pero dahil umano sa dami ng isda, maaaring ilang mga commercial fishing operations ang maykagagawan nito, dagdag pa ni Tuballes. Nagmula umano sa General Santos City ang fishing vessel at ang fish net, na kanilang natagpuan sa lugar ng pangyayari, ayon umano sa inisyal na imbestigasyon. Samantala, humingi na ng tulong si Tuballes sa maritime agencies at fishery regulatory offices na nakabase sa kanilang lungsod upang tumulong sa imbestigasyon. Nauna nang humingi ng tulong si Tuballes sa municipal council ng Maasim upang mag-imbestiga sa naganap na insidente at matukoy ang may-ari ng mga isdang tinambak. “They should be held accountable for this because it has put our health and livelihood at risk here," aniya. Nangako naman si Maasim Vice Mayor Utto Salem Cutan na gagawan ng karampatang aksyon sa insidenteng naganap, lalo na sa mga may-ari ng mga isdang tinambak. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News