Rhian Ramos, magsasalita sa lalong madaling panahon – report
Tiniyak ng Kapuso actress na si Rhian Ramos na magsasalita siya sa lalong madaling panahon tungkol sa kontrobersiya na kinasasangkutan nila ng TV and radio host na si Mo Twister. Sa Startalk TX nitong Sabado, sinabing tumanggi muna si Rhian na magsalita tungkol sa kontrobersiyal na video ni Mo na naka-upload sa YouTube. Inamin umano ni Rhian na na-trauma siya sa ginagawa sa kanya ni Mo. Kasabay nito ay tiniyak ng Kapuso actress na magsasalita siya tungkol sa isyu sa lalong madaling panahon. Sa hiwalay na ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nasaktan umano ang pamilya ni Rhian sa lumabas na video at magsasampa rin sila ng demanda laban kay Mo. Nitong Biyernes ng gabi, inihayag ng GMA Network na kakasuhan nito ang controversial Mo Twister dahil sa naturang video sa YouTube. "GMA Network is going to file charges against Mo Twister for malicious and false imputations against the network in his video posted this afternoon on YouTube," nakasaad sa pahayag ng network nitong Biyernes. Sa ulat na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Biyernes, sinabing kumakalat sa Internet ang kontrobersyal na video ni Mo kung saan isiniwalat nito ang pinagdaanan diumano nila ng ex-girlfriend na si Rhian Ramos sa Singapore noong kalagitnaan ng 2010. Samantala, nag-post naman ng mensahe si Mo sa kanyang Twitter nitong Biyernes na nagpapahiwatig na hindi siya ang nag-upload ng sinasabing video sa YouTube. “i know you all have so many questions about what happened. i cant give any clear answers right now because I too am wondering how it all got here. I know i sold many of my things including computers that i had erased. apparently, someone ‘repaired’ the erased files/hard drive and uploaded some personal files of mine. i feel terrible about it," bahagi ng mensahe ni Mo na mababasa sa kanyang TweetDeck. – FRJimenez, GMA News GMA News Online is the official news website of GMA-7.