DFA: Donasyon galing abroad para sa 'Sendong' survivors P842.9M na
Umaabot na sa US$19.27 (PhP842,869,800) ang kabuuang halaga ng donasyon at pledges para sa mga nasalanta ng bagyong "Sendong" ang natanggap ng Pilipinas mula sa ibayong dagat, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA). Kasama na sa nasabing halaga ang mga ibinigay ng Filipino communities abroad, iba't ibang embahada at konsulado ng Pilipinas sa buong mundo at ang mga pribadong grupo at mga indibidwal. Ang kabuuang halaga ay kinabibilangan ng $8,324,285.22 na cash; $5,354,063.95 na (in kind) at pledges na umabot sa $5,594,000. Ang mga bagong nagpaabot ng tulong ay ang mga sumusunod: European Union ($3,876,958.81 - in kind), Laos ($15,000 in cash), Hong Kong ($257,000 cash), Taiwan (US$12,993 cash), Germany ($651,193.36 cash) at Luxembourg (US$46,744.61 cash). Dagdag na tulong din ang ipinaabot ng Japan na umaabot sa $2 million in cash. Ang Belgium ay nagpadaa ng $130,568.58 in cash na siyang unang pledge nito. Nagdagdag pa ang Belgium ng $391,461.09 in cash para sa nasalanta ng kalamidad sa Hilagang Mindanao at Visayas Ang iba pang Filipino communities na nagpaabot ng tulong ay ang mga Filipino community sa Hawaii ($30,000 in cash at $14,000 in pledges), ang Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv at ang Filipino community sa Israel ($807 in cash), ang Embahada ng Pilipinas sa Wellington at ang Filipino community sa New Zealand ($1,000 in cash), ang Embahada ng Pilipinas sa Washington, D.C. ($1,670 in cash) at ang Filipino community sa Ottawa ($1,000 in cash). Ayon sa DFA, ang Filipino community sa United States Northeast ay nagpahatid na rin ng dagdag tulong na umaabot sa $4,800 in cash. — Lui Belmonte /LBG, GMA News