ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, makabubuti raw na mismong mag-utos na dakpin si Palparan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hinikayat ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko ang dating military general na si Jovito Palparan na sumuko na at harapin ang mga kasong isinampa sa kanya kaugnay sa pagkawala ng dalawang babaeng mag-aaral ng University of the Philippines. Ang payo ay ginawa ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes matapos itaas ng Department of Justice at Department of Interior and Local Government sa P1 milyon ang pabuya para madakip si Palparan. Sinabi ng obispo na lalo lamang pinabibigat ni Palparan ang kanyang kaso at magkakaroon ng hinala na totoo ang alegasyon kung patuloy itong magtatago sa batas. “He is hiding and that’s sign of being guilty. Kung ‘di siya guilty dapat lumabas siya," anang obispo sa panayam ng Radyo Veritas nitong Huwebes. Sinabi ni Bastes na kailangan paigtingin ng mga awtoridad ang paghahanap kay Palparan para maipakita na wala silang pinagtatakpan sa pagpapatupad ng batas. Naniniwala din ang obispo na posibleng madagdagan ang kasong kakaharapin ni Palparan na inaakusahan ng mga militante at makakaliwang grupo na sangkot sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Mula sa dating P500,000 pabuya, inihayag ng DOJ at DILG na gawing P1 milyon ang pabuya para mapabilis ang pagdakip kay Palparan. "Because we are getting good leads, we decided to increase the reward money for any information that will lead to the arrest of retired Maj. Gen. Jovito Palparan," ayon kay DOJ Sec Leila De Lima. Nagpalabas ng arrest warrant ang isang korte sa Bulacan laban kay Palparan dahil sa pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006. Sa hiwalay na panayam ng Radyo Veritas kay Fr Joe Dizon, convenor ng Solidarity Philippines, sinabi nito na dapat na mismong si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na maglabas ng pahayag at utos na dakpin si Palparan. Sa ganitong paraan ay maipapakita umano ni Aquino na interesado ito na mahuli si Palparan at papanagutin sa kasong ibinibintang sa kanya. -- MP/FRJ, GMA News