Senador, umaasang tatatag ang agrikultura sa bansa ngayong taon
Inaasahan ng isang senador na lalakas ang sektor ng agrikultura sa bansa matapos aprubahan ng pamahalaang Benigno Aquino III ang mataas na badyet para sa Department of Agriculture sa 2012. Ayon kay Senador Francis Pangilinan, dahil sa malaking badyet, mas makagagawa ang DA ng roadmap na magpapalawig ng development sa sektor ng agrikultura at fisheries sa bansa. Aniya, ang pagpapalaki ng badyet para sa sektor ay sasagot sa mga isyu ng food security sa bansa, lalo na't maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang nakatakdag bumalik sa Pilipinas pagkatapos mag-utos ang pamahalaan ng sapilitang pagpapabalik ng mga ito sa gitna ng kaguluhan sa Middle East. Isa sa mga ipinangako ng pamahalaang Aquino ay ang pagiging rice self-sufficient ng Pilipinas pagdating ng taong 2013. Dahil dito, pinalalakas ng pamahalaan ang paghahanda ng DA para matupad ang agenda na ito at matugunan ang lahat ng pangagailangan sa pagkain ng mga Pilipino. — Lui Belmonte /LBG, GMA News