DA: 4 na rehiyon apektado ng bagong peste sa palayan
Isang bagong peste ang sumasalakay ngayon sa mga pananim sa apat na rehiyon ng bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA). Ayon sa DA, apektado ng peste ang Regions 5, 7, 8 and 13. Ang pesteng ito, dagdag pa ng DA, ay nakikita sa mga taniman ng palay at bunsod nito, nag-iiba ang kulay ng mga butil at nababawasan ang kalidad nito. Unang nakilala ang peste ng Regional Crop Protection Center ng DA sa Region 8, partikular na sa Tacloban. Ang peste ay kinilala bilang Paromius iongulus. Ngunit ito'y kailangan pang pormal na kilalanin ng mga eksperto. Ang naturang peste ay nakita din sa Bicol noong Setyembre 2011, kung saan dalawang barangay sa Ragay, Camarines Sur, ang sinalanta nito. Umabot sa 100 ektaryang palayan ang sinalakay ng peste at umabot mula 50 hanggang 70 porsyento ang nasira na palay. Subalit sinasabi ng DA na walang dapat ikabahala ang mga magsasaka sapagkat hindi pa naman kalat ang naturang peste. Kailangan lamang ang pagmo-monitor ng mga ito sa kanilang mga pananim para makita kaagad ang nasabing peste. Wala pa namang ulat ang DA kung ang naturang peste ay makaaapekto sa agenda ng pamahalaang Aquino na gawing rice self-sufficient ng bansa sa 2013. — Lui Belmonte /LBG, GMA News