Charice naaksidente sa LA; umuwi sa Pinas na naka-wheelchair
Nagulat ang marami nang makitang naka-wheelchair ang Pinay international singing sensation na si Charice nang dumating ito sa bansa nitong Martes mula sa Los Angeles, California. Kasama si showbiz reporter Nelson Canlas sa mga entertainment press na sumalubong kay Charice sa airport at nagulat sila nang makita nila ito na naka-wheelchair at naka-semento ang kaliwang paa. Kuwento ni Charice, naaksidente siya sa pinaglalaruang skateboard sa LA noong Pasko. Nag-panic daw siya nang may iniwasan siyang sasakyan at napilipit ang kanyang paa. Isang buwan daw tatagal ang semento sa paa ng international singer. Nasa bansa si Charice para makipag-celebrate sa kaarawan ng kanyang ina na si Raquel Pempengco. Pero dalawang linggo lang daw tatagal sa bansa ang sikat na Pinay singer at babalik na uli siya sa US para magtrabaho. Samantala, ayaw na ni Charice na patulan ang mga negatibong komento tungkol sa cover photo niya sa isang fashion magazine na sinasabing idinaan sa matinding Photoshop. “Kailan ba 'ko naging maganda sa mga haters. I guess its normal for them and for me… eh nung makita ko nga sabi ko diyos ko ano ba ‘to? Ano bang gagawin ko, ano bang isasagot ko? Ganyan, wala na, wala na ko talagang masagot para sa kanila," ayon kay Charice. “Sa akin na lang everytime na may mga ganito I think asahan na lang natin na may ganung talagang lalabas," dagdag pa niya. Una rito, inamin ng creative director ng magazine na ginamitan ng Photoshop ang cover photo ni Charice pero hindi naman daw labis. Sadya raw nag-iba at naging new look ang itsura ng singer dahil na rin sa estilo ng buhok na ginamit niya sa photo shoot. -- FRJimenez, GMA News