GMA News Online
Ulat Filipino
»
Dagupan

Mga kalabaw, rumampa sa Carabao Festival ng Bugallon, Pangasinan

January 13, 2012 4:33pm

Tags: Pangasinan
Pahinga muna sa trabaho sa bukid ang mga kalabaw para rumampa sa Carabao Festival ng Bugallon sa lalawigan ng Pangasinan.

Bawat barangay ay may kanya-kanyang pambato. Kaya umabot sa 24 na kalabaw ang binihisan at ibinida sa naturang kapistahan.

Dahil lahat ay nais manalo, kanya-kanyang pakulo ang mga barangay upang ipamalamuti sa kanilang alagang kalabaw ang kanilang mga produkto.

Binansagang palengkera ang kalabaw ng Barangay Cabayaoasan sa dami ng mga pananim na ipinasuot sa hardworking na hayop.

Nilagyan din ito ng kuwintas na gawa sa kumbinasyon ng kamatis at talong.

Body paint naman ang fashion statement ng ibang kalabaw. Gaya ng ipinintang watawat ng Pilipinas at aninag ng sikat ng araw sa palayan.

‘Really creative, hindi inasahan na ganito," ayon kay Teresita Velasco, head judge sa kompetisyon.

Nasungkit ng Barangay Salomague Sur ang ikatlong pwesto. Habang ang Salomague Norte ang nakakuha ng ikalawang pwesto dahil sa kanilang nakasalakot at naka-camouflage na kalabaw.

“Kinakiusapan ko rin na huwag niya kong ipapahiya," kuwento ni Tonio “Panong" Pado, nag-aalaga sa nanalong kalabaw.

Proud naman ang 35-taon nang magsasaka na si Mang Rico Paragas mula sa Barangay Magtaking dahil kampeon ang kaniyang limang taong gulang na kalabaw ngayong taon.

Pinasukatan at pinatahian pa raw niya ito ng damit.

Maging ang galusa at lukoy na gamit sa pagsasaka ng mga Pangasinense ay ipinatahi rin niya.

Ipinagmalaki rin ni Mang Rico ang kanyang kalabaw dahil mabait at masipag daw ito sa bukid.

Native lahat ng kalabaw na ibinida. Pero plano rin ng bayan na palahian ng buffalo ang mga ito para mas mapakinabangan sa kanilang pagsasaka. – JFArcellana/Glam Calicdan/FRJ, GMA News

Tags: Pangasinan



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus