We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ang pinagtagpi-tagping karton ang nagsisilbing divider sa kuwarto ng mga OFW, na nagsisilbi na rin nilang kusina.
Nananawagan sa pamahalaan ng Pilipinas ang may 20 overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia na matulungan sila laban sa pagmamaltrato umano ng kanilang amo. Sa panayam ng GMA News kay Eric Jocson, chairperson ng grupong Migrante sa Riyadh, sinabi nito na humihingi ng tulong ang mga OFW na nagtatrabaho sa isang kumpanya sa liblib na lalawigan ng KSA sa Aljouf. Ang Aljouf ay malapit na sa hangganan ng Jordan at halos 2,000 kilometro ang layo sa Jeddah. Batay sa hinaing ng mga OFW, sinabi ni Jocson, na hirap na raw ang mga ito sa kanilang trabaho sa liblib at disyertong lugar sa KSA. Bukod dito, marami umanong paglabag sa batas paggawa ang ginawa ng amo ng OFW. Sa salaysay Rene Magpahe, trailer driver at isa sa mga humihingi ng tulong, apat na buwan na siyang tumigil sa pagtatrabaho . Hindi raw niya akalain na sasapitin niya ang naturang hirap sa KSA. Nagbenta pa umano siya ng kalabaw sa kanyang lalawigan para lang may magamit na pera sa kanyang pag-aplay. Reklamo ni Magpahe, 18 oras silang pinagtatrabaho, walang overtime, walang Iqama (residence permit) at wala silang lisensiya sa pagmamaneho. Sinasaktan din umano sila ng kanilang amo at tinututukan ng baril. Bagaman humingi na umano sila ng tulong sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh, umaasa sila na makararating kina Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III at Vice President Jejomar Binay ang kanilang sitwasyon para matulungan sila. âAng amin pong mga pamilya ay naghihirap na po. Nagpasko at nagbagong taon po sila na walang-wala po. Sila po ay umaasa lang sa amin pero wala po kaming magawa sa aming sitwasyon at tanging tulong na lang po niyo ang aming inaasahan," panawagan ni Magpale. Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Labor Attache Wally D. Villazor ng Central Region operation ng POLO, na hindi sila basta-basta makapunta sa lugar na kinaroroonan ng mga nasabing OFW dahil na rin sa natanggap nilang banta. Kaya naman humiling umano sila ng ânote verbal" sa Ministry of Interior ng Saudi Arabia upang makakuha ng koordinasyon sa nabanggit na bansa. Sa sandaling makuha ang note verbal, kaagad umanong magtutungo ang POLO sa kinaroroonan ng mga OFW. âNaireport din nga po sa amin na ang apat daw sa kanila ay kinuha sa kanilang accommodation at dinala sa disyerto at pinagbubugbog. Kaya kailangan talagang mapuntahan at matulungan ang mga kababayan natin doon," ayon kay Villazor. -- Ronaldo Z. Conch/ FRJ, GMA News