Ang buhay mag-isa ni Ryza Cenon sa Follow That Star
Sa Sabado, sundan ang Season 2 Ultimate Starstruck Survivor na si Ryza Cenon sa kanyang pagbabalik sa sinilangan niyang bayan sa Nueva Ecija sa Follow That Star ng GMA News TV. Dito ay malalaman kung papaano mamuhay si Ryza sa Maynila na nag-iisa at malayo sa kanyang mga mahal sa buhay, partikular sa kanyang mga lola na nagpalaki sa kanya. Sa edad na 24, very independent na si Ryza. Mag-isa siyang namumuhay sa tinitirhang condo, at kung minsan ay mag-isang nagda-drive ng sasakyan na una niyang nabili nang manalo sa Starstruck. Dalawang taong gulang pa lamang si Ryza nang naulila siya sa kanyang ina na pumanaw dahil sa sakit. Samantala, nangibang-bansa naman ang kanyang ama para maghanap-buhay. Kaya naman lumaki ang Kapuso actress sa pangangalaga ng kanyang mga lola, na sina Lola Aida at Lola Luz. Sa Follow That Star, malalaman kung papaano pinalaki nina Lola Aida at Lola Luz, ang kanilang mahal na apo na si Ryza, na kabilang sa mga bida ng bagong GMA soap na Legacy at Indie film na Migrante. Alamin din kung sino sina Mallows at Marshy na nagbibigay saya kay Ryza sa mga sandali ng kanyang pag-iisa. Papaano naman kaya ang kanyang pagkain? Marunong ba siyang magluto o bumibili lang siya ng mga ready to eat foods? Masaya nga bang mamuhay na mag-isa? Alamin ang kasagutan ni Ryza sa Follow That Star, sa Sabado, 7:55 p.m. sa GMA News TV. – FRJimenez, GMA News