Llamas, pinagbibitiw ng isang kongresista
Dapat na umanong magbitiw sa puwesto si Presidential adviser on political affairs Ronald Llamas dahil sa kahihiyan na ibinibigay nito kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa pulong balitaan ng grupo ng minorya sa Kamara de Representantes, sinabi ni ANAD party-list Rep. Pastor Alcover, na sapat na ang ikalawang kontrobersiyang kinasangkutan ni Llamas para ito kusang magbitiw. Nahaharap ngayon si Llamas sa kontrobersiya dahil sa umano’y pagpakyaw ng mga pirated DVDs sa isang mall sa Quezon City. Sa kabila ng pahayag ni Aquino na hihingan niya ng paliwanag si Llamas, nananatili namang mailap sa media si Llamas para makuha ang panig nito tungkol sa nasabing isyu. Noong nakaraang taon, nasangkot din sa kontrobersiya si Llamas dahil sa mataas na kalibre ng baril na nakita sa kanyang sasakyan. Nasa labas ng bansa si Llamas nang makita ang Czech-made CZ-858 Tactical semiautomatic assault rifle sa kanyang kotse. Pero pagbalik sa Pilipinas, iginiit niya na may banta sa kanyang buhay kaya siya may mataas na kalibre ng baril. Ayon naman sa bagong House Minority Leader na si Quezon Rep. Danilo Suarez, dapat may gawing hakbang si Aquino laban kay Llamas dahil hindi ito nagiging mabuting halimbawa bilang opisyal ng pamahalaan. Gayunman, aminado si Suarez na isa si Llamas sa mga epektibong opisyal ngayon ni Aquino sa hanay ng mga tagapayo ng pangulo. “Those two actions should be given some action by the administration kasi masamang ehemplo ‘yan," anang kongresista. “Pero hindi ko lubos maisip kung bakit bibili pa (siya) roon (sa mall ng pirated DVDs)." Isa sa mga parusa na maaari umanong ipataw ng Malacanang kay Llamas ay isailalim ito sa preventive suspension. Pero duda si Siquijor Rep. Orlando Fua kung maaari itong gawin kay Llamas dahil wala namang pormal na kasong isinasampa sa korte tungkol sa pagbili umano ng opisyal ng mga pirated DVDs. “It is ideal that a preventive suspension will be on hand, but the thing is preventive suspension can be done if there is already a case pending before the court," paliwanag ni Fua. Inihayag naman ng isang opisyal sa Malacanang na tumangging pabanggit ang pangalan dahil sa kawalan ng awtoridad na magsalita sa naturang usapin, na posibleng “reprimand, admonition or other sanction" batay sa bigat ng kasalanan na nagawa ni Llamas ang posibleng ipataw dito ni Aquino. Nauna nang inihayag ni Aquino na mayroon mga mas mabibigat na problema ang bansa na dapat unahin kaysa sa problema ng piracy. -- FRJ, GMA News