Obispo, binigyan ng pasang-awang marka si PNoy sa isyu ng human rights
Inihayag ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko na malamya ang administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa pagsusulong ng karapatang pantao. Dahil dito, sinabi ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, na dapat lang bigyan ng pasang-awang marka si Aquino sa human rights dahil marami pa rin umanong nagaganap na paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Ayon sa obispo, patuloy ang extra judicial at political killings sa panahon ni Aquino gaya nang pagpatay sa mga mamamahayag katulad ng environmental advocates na si Dr. Gerry Ortega. Si Ortega ay binaril at napatay sa Palawan noong nakaraang taon. “If I would rate the President from 1 to 10, 10 is the highest, I would give him five. Dahil recently journalists and even radio commentators are killed at mga political person at mining activists napapatay din," paliwanag ni Bastes sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules. Sinabi ng obispo na nais niyang makita ang gobyerno na seryosong tugisin ang mga lumalabag sa karapatang pantao, gaya umano ng ginagawa nitong paghabol sa mga inaakusahang tiwali sa pamahalaan. Nitong Martes ay ginunita ang unang anibersaryo ng pagpatay kay Ortega. Hinihinala na ilang pulitiko sa Palawan ang nagsabwatan para siya ipatumba. Bagaman nakikita niyang may magandang intensiyon si Aquino sa pamamahala, sinabi ni Bastes na dapat kumilos ang pangulo para pangalagaan ang buhay at karapatang pantao ng mamamayan. “Parang ang naganap noon sa panahon ni (dating pangulong Ferdinand) Marcos ay nagaganap pa rin ngayon. Even in my province sa Sorsogon ay maraming mga tao doon ang biktima ng human rights violation," anang obispo. Kasabay nito, nanawagan si Bastes kay Aquino na bigyan ng katarungan ang sinapit ng 15 mangingisda na pinaslang sa karagatan ng Basilan. Nagpahayag ng pangamba ang obispo na nagiging ordinaryo na lamang ang paglabag sa karapatang pantao at kawalan ng respeto sa kasagraduhan ng buhay. - MP/FRJ, GMA News