Prosecution, defense sa Corona trial muling pinag-iingat sa paglabas ng mga ebidensya sa publiko
Muling pinag-iingat ng Senado ang prosecution at defense panels sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona nitong Huwebes sa pagsapubliko ng mga dokumentong nakatalagang ebidensya sa paglilitis. Itoy hiniling ni Senate President Juan Ponce Enrile, namumuno sa pagdinig, matapos ihayag ni Senator Joker Arroyo na ang mga dokumentong tumutukoy sa income ni Corona ay "sacrosanct" at hindi dapat ilabas sa publiko habang hindi pa ang mga ito tinatanggap ng impeachment court bilang mga ebidensiya. “May we request the spokesmen not to discuss evidence and merits outside of this court. They may discuss the procedure but not the content,” ayon kay Enrile. “The rule is simple: any evidence that is marked is not yet public document. It is nothing but a piece of paper. It is not public document until it is admitted,” aniya. Sumang-ayon naman si Senator Pia Cayetano sa pahayag ni Arroyo. Aniya, ang mga dokumentong iyon ay hindi dapat ihayag sa media. Sinalungat ito ni Senator Panfilo Lacson. Aniya, ang pagdinig umano'y isang public proceeding. Sa simula ng pagdinig, binalaan na ni Enrile ang kapwa kampo ng depensa at prosecution laban sa pagbibigay ng pahayag sa publiko tungkol sa "merits" ng kaso. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News