ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mosyon ng depensa vs Drilon, ibinasura ni Enrile


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ibinasura ni Senate President Juan Ponce Enrile ang inihaing mosyon ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona na ipa-inhibit sa impeachment trial si Sen. Franklin Drion dahil sa paniwalang kumikiling ito sa kampo ng House prosecution panel. Sa panayam ng media nitong Biyernes, sinabi ni Enrile, tumatayong presiding officer sa paglilitis, na hindi aaksyunan ng impeachment court ang inihaing mosyon ng depensa. Personal na desisyon daw ni Drilon kung nais nitong hindi makisali sa ginagawang paglilitis. Bukod, dito, halal na opisyal ang mga senador kaya tungkulin nila na dumalo sa mga pagdinig ng kapulungan. “Hindi na (tatalakayin sa caucus). We will not act on that, I will not even present that to the members of the court," ayon sa lider ng Senado. Maaari lamang umano maalis si Drilon sa impeachment trial kung may kasong ihahain laban dito sa Ethics Committee, at ang magiging hatol ng komite ay alisin ito sa puwesto. “He is an elected representative of the people and under the Constitution he is entitled to sit in all proceedings of the Senate unless he’s removed in accordance with our rules of ethics," paliwanag ni Enrile. Pinayuhan din ni Enrile ang panig ng depena na sa ibang korte na lamang magreklamo kung nais nilang ipilit na alisin si Drilon sa paglilitis. Sa News TV Live nitong Biyernes, inihayag umano ni Atty Ramon Esguerra, spokesman ng kampo ni Corona, iginagalang nila ang naging desisyon ni Enrile. Kasabay nito, hinimok ni Enrile ang kanyang mga kapwa senador na huwag maging emosyunal sa panahon ng paglilitis kay Corona. -- ER/FRJ, GMA News