ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

LPG tanker truck, sumalpok sa puno; pahinante patay, 2 pa sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang pahinante ng tanker truck na may kargang Liquefied Petroleum Gas (LPG), nang sumalpok ang dambuhalang sasakyan sa isang puno sa Roman Superhighway sa Abucay, Bataan nitong Sabado ng umaga. Idineklarang dead on arrival sa Bataan General Hospital sa Balanga City si Tomas Nabigan, 18-anyos, ng Cagayan Valley at pahinante ng LPG tanker truck. Samantala, sugatan ang drayber ng trak na si Cauikan Tejada, 23-anyos at kapatid nitong si Alvin Tejada, 18-anyos, pahinante rin. Ayon kay Roberto Pabustan, residente sa lugar na pinangyarihan ng aksidente, natutulog pa sila nang may marinig silang malakas na kalabog at mga daing na humihingi ng saklolo. Nang silipin ang pinagmulan ng ingay, nakita umanong nabagsakan ng bahagi ng bubong ng tanker ang tatlo at napuruhan si Nabigan. Sinabi ni Gilmer Nabigan, kapatid ng nasawi at drayber ng isa pang LPG tanker truck, nagkakahilera sila habang binabagtas ang highway nang maganap ang aksidente. Patungo umano ang mga LPG tanker truck sa oil refinery sa Limay, Bataan. Samantala, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari. – EEsconde/FRJ, GMA News