Batang may kapansanan sa paningin, pursigidong makatapos ng pag-aaral
Sakabila ng kapansanan sa paningin at kakulangan sa taas, pursigido pa rin ang siyam na taong gulang na si Joshua Raguindin na makatapos ng kanyang pag-aaral. Nasa ikatlong baytang sa elementarya si Joshua, residente ng Bacag, Villasis, Pangasinan, at sa kabila ng kanyang malabong paningin ay mahilig pa rin siyang magbasa ng libro, pati na Bibliya. “Nahihirapan po ako kasi kung minsan tinutukso nila ako pero hindi ko na po sila pinapansin," paglalahad ni Joshua. Bukod sa problema sa paningin, higit sa tatlong talampakan din lang ang taas ni Joshua. Sadyang maliit kung kumpara sa ibang bata na ka-edad niya. Pero sakabila ng kanyang pagkakaiba sa mga kaklase, pilit pa rin siyang nabubuhay ng normal gaya ng mga ordinaryong bata. Dahil na rin sa kondisyon niya, lalong tumatag ang pananampalataya ni Joshua sa Maykapal. Katunayan ay aktibo siya sa kanilang church organization. Bilib din ang karamihan sa kanyang galing sa pagmemorya ng mga talata sa bibliya. Ngunit ang pinakapaborito umano ang bata ay ang John 3:16 na kabisado na niya mula pa nang siya’y limang taong gulang pa lang. “Ipinagkaloob ng Panginoon ang kanyang bugtong na anak upang isalba ang mundo sa pamamagitan ng pagliligtas sa kasalanan ng sanlibutan," proud na bigkas ni Joshua sa nasabing talata. Ang lagi namang payo sa kanya ng amang si Mang Renato ay ang maayos na pakikipagkapwa-tao at ang huwag manakit ng kapwa. – JFPonsoy/GLCalicdan/FRJ, GMA News