GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Angelika dela Cruz, planong pasukin na ang pulitika sa 2013

February 2, 2012 10:06pm
Inihayag ng Kapuso actress na si Angelika dela Cruz ang hangarin niyang tumakbo sa local position sa 2013 elections upang gawing opisyal ang pagtulong niya sa mga tao at maipagpatuloy ang naiwang gawain ng kanyang pumanaw na kapatid.

“Sa akin talaga I really want to… I been helping people for a very very long time but really want to make it official," patungkol ng aktres sa kanyang plano sa 2013, batay sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes.

Gayunman, sinabi ni Angelika na may iba pang bagay na dapat na ikonsidera bago maging pinal ang kanyang desisyon.

Sinabi ng aktres na kasama rin sa motibasyon niya sa pagpasok sa pulitika ang maipagpatuloy ang naiwang gawain ng kanyang kapatid na konsehal na si Edward na pumanaw sa isang aksidente.

“Siyempre lalo na yung mga tao na sumuporta sa kapatid ko, siyempre gusto ko maibalik sa kanila ‘yon and lahat ng tao na gusto niyang tulungan nung nabubuhay pa siya, gusto ko ring ituloy ‘yon," paliwanag niya.

Sa ngayon, busy si Angelika sa bago niyang primetime soap na Biritera, kung saan gagampanan niya ang role bilang mabait na ina ng bidang si Roseanne.

Ang naturang role ay malayo sa nagdaan niyang mga proyekto kung saan kontrabida ang kanyang mga ginampanan.

“Palagi ko ngang sinasabi, anything different from the previous things that I did is always a challenge," ayon sa aktres.

Kasama rin ni Angelika sa bagong Kapuso show sina Dennis Trillo at Glaiza De Castro.

Ikinatuwa rin ng aktres na ang kanyang paboritong director na si Mario J Delos Reyes, ang mamamahala sa Biritera. -- FRJ/KG, GMA News