ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo, minaliit ang disbarment suit vs Lacierda, De Lima


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Minaliit ng Malacañang noong Sabado ang petisyong nagnanais na tanggalin sa pagka-abugado ng dalawang opisyal sa kanilang pagsuporta sa "pagpapahiya" sa publiko ni Pangulong Benigno Aquino III kay impeached Chief Justice Renato Corona. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, isang "distraction" at wala umanong batayan ang petisyong inihain ng abugadong si Agustin Sundiam. “Parang distraction na lang din o pangkukutya. Tatlong pahina ang complaint, walang laman," pahayag ni Valte sa isang panayam sa dzRB. “Rest assured the secretary (Lacierda) will be ready to file his answer to it...,” dagdag pa niya. Inutusan na ng Korte Suprema sina presidential spokesman Edwin Lacierda at Justice Secretary Leila de Lima na sagutin ang disbarment petition. Hiniling ni Sundiam sa Kataas-taasang Hukuman na patawan ng karampatang parusa ang pahayag ng dalawa sa national television na lantarang sumusuporta sa mga paninira kay Corona, na kasalakuyang humaharap sa impeachment trial sa Senado. Ayon kay Sundiam, lumabag sina De Lima at Lacierda sa kanilang pinanumpaan bilang mga abugado sa Code of Professional Responsibility and the Rules of Court. Dagdag pa niya, maaaring kasuhan ang dalawang opisyal ng "indirect contempt" sa ilalim ng Revised Rules on Civil Procedure. Ayon kay De Lima, ipadadala niya ang kanyang pormal na sagot sa reklamo kapag natanggap na niya ang utos ng Korte Suprema. Aniya, bahagi ng "constitutional right to free expression" ang mga naging pahayag niya laban kay Corona. Para naman kay Lacierda, inihayag ni Valte na handa ang presidential spokesman na sagutin ang petisyon kapag natanggap na niya ang kopya ng court order. Ayon kay Valte, ang petition ay "vague," at "nakatatawa" at "singled out" sina Lacierda at De Lima. Aniya, 188 mambabatas ang pumirma sa articles of impeachment laban kay Corona ngunit hindi sila isinama sa reklamo. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News