Prosekusyon, depensa sa Corona trial pinangaralan ni Enrile
Pinaalalahanan ni Senate President Juan Ponce Enrile nitong Miyerkules ang prosecution at defense panels na maging magalanag sa kanilang pakikitungo sa senator-judges sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Ayon kay Enrile, na siyang presiding officer sa nasabing paglilitis, bagama’t nirerespeto nila ang opinyon ng lahat, hinihiling nila na huwag silang ituring na kaaway ng magkabilang panig. “Opinions are respected here, but whoever speaks in this chamber should not involve members of this court,” ani Enrile. “We are not partisan in this court. We are not combatants. We are the judges. We are the referees between prosecution and the defense.” Sinabi ito ni Enrile matapos tumayo si Senator Pia Cayetano sa impeachment court at humiling ng paliwanag mula kay Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, isang public prosector, dahil sa umano’y ipinakita nitong hindi paggalang sa korte. “Importante pong ilagay sa record na hindi po tayo sama-sama rito. May kanya-kanya tayong tungkulin. Kayo ay prosecutors. Kami ay senator-judges,” ani Cayetano. Sa paglilitis nitong Martes, sinabi ni Fariñas na magkakampi ang Senado at prosecution laban kay Corona sa impeachment trial. Paghingi ng tawad Agad namang humingi ng tawad si Fariñas sa kanyang sinabi. Aniya, buo ang kanyang respeto sa lahat ng senator-judges. “Paumanhin po kung ang istilo ko ng pakikipagpalitam ng kuru-kuro ay hindi maganda. Sinasabi ko po na ako ay lubos na gumagalang sa Senate President at sa mga miyembro ng impeachment court,” aniya. Samantala, tinanggap naman ni Senator Ramon Bong Revilla Jr. ang paumanhin ni Fariñas, ngunit binalaan din niya ito laban sa pagdawit ng pangalan ng mga senator-judges sa kanyang mga talumpati. “Mr. Congressman, matagal nating iniingatan ang pangalan natin. Kailangan maging maingat tayo sa mga salitang binibitawan natin,” aniya. Nitong Martes din, idinawit ni Fariñas ang pangalan ni Revilla nang ipaliwanag ng prosecutor kung paano natatanggal sa puwesto ang mga opisyal. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News