Bea Binene, kinabahan nga ba kay Jean Garcia?
Isa si Jean Garcia sa mga kinikilalang aktres ngayon pagdating sa kontrabida role. Totoo nga bang kinabahan ang Kapuso tween star na si Bea Binene nang una niya itong maka-eksena sa Alice Bungisngis and Her Wonder Walis? Aminado ang lovely Kapuso tween star na si Bea na kinabahan siya sa first day ng airing ng pinagbibidahan niyang fantaserye na Alice Bungisngis, na napapanood bago ang primetime news 24 Oras. Hindi raw kasi biro ang pagkatiwalaan na maging lead star sa isang malaking proyekto. Pero wala namang dapat ipag-alala si Bea dahil batay sa ratings ng AGB Nielsen Mega Manila People & Household Ratings noong Feb. 3-6, naging maganda ang pagtangkilik ng mga Kapuso sa show. Sa ulat ni showbiz reporter Lhar Santiago sa Chika Minute nitong Miyerkules, sinabing parang musika sa pandinig ni Bea ang mga natatanggap na papuri. Samantala, kung kinabahan sa unang araw ng paglabas ng Alice Bungisngis, sinabi ni Bea na hindi naman siya kinabahan nang unang makaeksena si Jean Garcia, na gumaganap na kontrabida sa soap. Sa halip na kaba, tuwa raw ang naramdaman ni Bea dahil makakatrabaho muli niya ang hinahangaang aktres. Minsan na rin kasi silang nagkasama sa soap na Ilumina. “Once ko pa lang po siyang nakakaeksena dito sa Alice and ano na siya ang gaang niyang katrabaho. Kahit off-cam kapag nasa standby area, nasa tent kami ang bait-bait ni Tita Jean," papuri ng batang aktres. Kasama rin sa dapat abangan sa Alice Bungisngis ay ang love triangle nina Bea, Jake Vargas at Derrick Monasterio. - FRJ, GMA News