Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Alden Richards still looking for a date on Valentine

February 10, 2012 3:36pm

Pagkatapos ng kanyang offbeat role sa horror film na The Road, isa na namang kakaibang role ang ibinigay ng Kapuso network kay Alden Richards sa bagong primetime series na My Beloved.

Ginagampanan niya rito ang nakababatang kapatid ni Dingdong Dantes. Dahil sa pag-idolo niya sa kanyang kuya na isang kriminal ay kikidnapin niya ang isang dalaga (Louise delos Reyes) na magpapahulog ng kanyang loob.

Malaking bagay raw kay Alden na kahit baguhan pa lang siya ay nagkaroon siya ng pagkakataon na makaeksena nang madalas si Dingdong.

Sabi ni Alden, "Si Kuya Dong kasi, magaling umarte. Madaling pagkuhanan ng emosyun.

"Parang nagiging natural ang eksena kapag kaeksena ko po siya.

"Kaya proud din po ako kasi parang yun po ang tulong niya sa akin na hindi niya alam."

Nahihiyang inamin din ni Alden sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na napa-flatter siya kapag binibigyan siya ng advice ni Dingdong.

"Parang pinapayuhan po niya ako.

"Sinasabi niyang panatilihin ko lang kung ano ang nasimulan ko at hintayin ko lang daw po, bibigyan ako ng mas magandang break, project.

"'Huwag mong sasayangin. Suportado kita.'

"Yun lang po, nakakagulat lang po na kay Mr. Dingdong Dantes po galing.

"Sobrang bait po nilang dalawa," pagtukoy rin ni Alden sa kasintahan ni Dingdong na si Marian Rivera, na kasama rin nila sa My Beloved.

DINGDONG and MARIAN. Dahil madalas niyang kasama sa mga eksena ang mga bida sa My Beloved na sina Dingdong at Marian, pinagkwento ng PEP si Alden kung ano ang napapansin niya sa dalawa kapag nasa set sila.

"Ay, sobra pong sweet ni Ate Yan at Kuya Dong sa set!

"Sometimes, nakakatuwa po silang tingnan.

"Nakakainggit kasi parang bihira lang kaming makakita ng malalaking artista na sweet sa isa't isa, lalo na parehas silang big star sa GMA.

"Masaya po silang dalawa sa set. Merong konting inggit na sana, ganoon din ako.

"Pero in God's time talaga, naniniwala po ako do'n," saad ng 19-year-old actor.

Kumusta namang katrabaho ang dalawa sa pinakalamaking stars ng Kapuso network?

"Masarap po silang katrabaho, magaan," sabi ni Alden.

"Walang... hindi po nila tinatrato ang mga katrabaho nila na mababa lang, sila ang mataas.

"Wala pong ganoon kaya mas napapaganda po namin ang trabaho.

"Masarap pong kaeksena silang dalawa kasi talagang nadadala rin po kami sa mga ginagawa namin kaya maganda ang kinakalabasan ng mga eksena."

LOVELESS THIS VALENTINE. Sa Tuesday, February 14, ay Valentine's day na pero wala pa raw ka-date si Alden.

Nakangiting sabi ng young actor, "Wala pa po akong alam na ka-date. Naghahanap pa po ako kung sino ang pwede."

Kailangan ba talaga niyang makahanap ng ka-date para masabi na may date siya sa Valentine's day?

"Hindi naman po. Pero who doesn't want a date on Valentine, di ba?" sagot ni Alden.

Kung sakali, saan niya dadalhin ang magiging ka-date niya sa Valentine?

"Exciting po kasi kapag theme park, parang Enchanted Kingdom...

"Wala pa po tayong budget for Hong Kong Disneyland. Ipon-ipon muna po!" natatawa niyang sabi.

Hindi naman itinanggi ni Alden na naranasan na niya noon na makipag-date tuwing Valentine. Pero high school pa raw siya noon.

"Siyempre po, sa school lang, konti lang ang budget.

"Sometimes street foods, mall, sine... masaya na po kami noon. Solb na sa mga simpleng bagay.

"Pero ngayon, siyempre po, mas marami pa rin pong dapat na paglagyan ng pera, hindi lang sa date.

"Hindi naman po titipirin ang date, kasi Valentine's day is just once a year.

"Pero yun nga po, parang maganda po ang theme park kasi hindi pa po ako naka-experience, e, na may date on a theme park."

RHIAN RAMOS. Naging vocal noon si Alden sa pagsasabing crush niya ang kapwa-Kapuso star niyang si Rhian Ramos.

Nagkasama na rin sila sa ilang proyekto ng GMA-7, kabilang na ang horror film na The Road (2011).

Tinanong ng PEP si Alden kung ano ang naging epekto sa kanya ng mga lumabas na isyu kay Rhian kaugnay ng naging relasyon ng aktres kay Mo Twister.

Sagot ng binata, "Siyempre po, naawa naman po ako kay Rhian.

"She doesn't deserve all the comments. She doesn't deserve all the intrigues coming to her.

"Unfair to her kasi parang wala siyang alam na ganoon na pala ang sinasabi sa kanya behind her back.

"Pero I guess, kaya siguro nag-lie low muna sa career si Rhi [tawag niya kay Rhian] is because she has to sort it, sa buhay po niya.

"Pahinga raw po muna."

Nakausap ba niya si Rhian noong kasagsagan ng isyu?

"Hindi po, e. Very quiet lang po si Rhi during that time.

"I guess it's too private for me to meddle on that affair.

"Baka sabihin hindi naman kami close, pakialamero ako."

Nabawasan ba ang paghanga niya kay Rhian dahil ba sa mga lumabas na isyu tungkol dito?

"No, hindi naman po," mabilis na tugon ni Alden.

"Hindi naman po kasalanan ni Rhian na lumabas yung ganoong isyu.

"Siguro ganoon po talaga, and unexpected yun na nangyayari sa buhay ng tao.

"Kaya pinagpi-pray ko na lang po siya na sana maging okay po siya."

Dapat sana ay si Rhian ang katambal ni Dingdong sa My Beloved, pero pinalitan nga siya ni Marian dahil sa kontrobersiyang kinasangkutan nito.

Ano ang naging reaksiyon ni Alden sa pagba-backout ni Rhian sa kanilang serye?

"Sa tingin ko po, mas kailangan po niyang magpahinga.

"Kesa gumawa ng isang trabaho dahil sa isyung yun, papangit ang magiging outcome.

"Mas okay na po siguro na nagpahinga si Rhi.

"At mas kailangan din po siguro niyang mag-lie low sa trabaho to put herself together again," saad ni Alden. -- Rose Garcia, PEP