Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Celebrity Sole Survivor Betong Sumaya reveals that he will use the P3M prize to pay debts

February 11, 2012 2:14pm
Agad na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Albert "Betong" Sumaya kagabi, February 10, matapos siyang manalo bilang Sole Survivor ng Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown.

Pahayag ng comedian at TV host, hindi pa siya makapaniwala na siya ang nanalo ng titulo at ng P3 million cash prize—tax-free.

Dagdag pa niya, ngayon ay paniwalang-paniwala na siya na deserving nga siyang makarating hanggang sa top three.

Noong una kasi ay laging binabanggit ni Betong na hindi siya deserving mapabilang sa puwestong iyon, dahil mas deserving ang ka-partner niya sa laro na si Maey Bautista, o ang ilan pang miyembro ng Jury, tulad ni KC Montero.

Saad niya, "Yes, masasabi ko na deserving ako dahil pinatunayan namin ni Maey na hindi mo kailangang maging malakas physically para lumaban sa Survivor.

"It means na puwede mong gamit yung utak mo at yung puso mo sa paglalaro.

"Yun nga, bagamat strategy namin na mag-switch alliance nang mag-switch alliance, dun kami tumagal, e.

"Yung mga mismong Bulan [tribe], sila yung naglaban-laban. Kami yung nasa gitna.

"So, kami yung parang swing vote.

"So, yun nga, kailangan nga talaga namang laruin, basagin mo yung morals na, ito kailangan mong laruin.

"Pero yun nga, puwede mong laruin yung Survivor pero mabuti ka pa ring tao."

PAAWA EFFECT. Sinagot din ni Betong ang mga puna na kaya siya nanalo ay dahil sa nagpapaawa lamang siya sa Jury, dahil sa pagsaad nito na kailangan niyang manalo para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.

"Actually, nirerespeto ko po yung opinyon nila, pero, hindi po ako umiiyak sa Survivor na gusto ko lang umiyak," sabi ni Betong.

Ayon sa kanya, hindi raw arte ang kanyang pag-iyak-iyak sa show. Napaiyak daw siya dahil sa maraming mga bagay, 'tulad ng pagkalayo niya sa kanyang pamilya sa loob ng 36 na araw.

Kaya naman naramdaman niya ang pagka-offend sa mga akusasyon sa kanya ng ilang mga nasa Jury, lalo na si John, na minura siya ng ilang beses sa final Tribal Council.

Sabi ni Betong, "Na-offend po ako, talagang feeling ko na masyado niya akong pinersonal?

"Pero it's enough na nag-apologize at na-appreciate ko na humingi siya ng sorry. At naintindihan ko, e, yun yung naramdaman niya."

PAYING DEBTS. Tinanong ng PEP kung saan gagamitin ni Betong ang napanalunang salapi.

Hindi siya nahiyang sabihin na gagamitin niyang pambayad sa utang ang P3 million.

"Hindi po kami mahirap na mahirap, pero tama lang. Kumikita naman, nagtatrabaho naman ako sa GMA.

"Pero kapag may malaking emergency na kailangan mong magpaluwal, hindi po kami yung may kaya," sabi niya.

Nagtatrabaho bilang EP o executive producer si Betong sa ilang mga shows sa GMA News TV, tulad ng Day Off at Ang Pinaka.

Pagpapatuloy niya, "Sorry po, may utang po ako na malaki sa credit card. Babayaran po muna yung mga kautangan.

"Siyempre po, yung amilyar [amortization] sa bahay. Twenty years na po iyon, e, so baka ngayon po bayad na."

Nais din ni Betong na maransan ng kanyang pamilya ang magaang na buhay.

"Gusto ko rin na, in a way, maranasan din ng pamilya ko na walang inaalala sa paggastos.

"Nanay ko, nagtuturo, emergency school teacher. Pa-retire na rin po siya, so siguro time na rin pong mag-retire."

LIFE PLANS. Matapos ang Survivor, ano na ang susunod na mga plano ni Betong?

"Gusto ko po talagang maging artista talaga," ang mabilis niyang sagot, nang tanungin tungkol sa kanyang career.

"Sana, sana po kami ni Maey. Iba kasi kapag yung ka-partner mo, kabisado mo na yung banat niya, kumportable ka na.

"Sana kung yun po yung ano, siyempre pangarap ko po yun."

Hindi rin naman daw niya iiwanan ang trabaho bilang EP. Kung maaari nga raw ay gusto niyang maging EP ng susunod na season ng Survivor Philippines.

"Kasi ngayon, parang... dahil nung nandun ka, nakikita mo yung production, so alam ko na yung gustong makita.

"So, parang naisip ko na mas lalo pang ma-improve sa pamamagitan ng mga ideas ko," saad niya.

Samantala, dinaan naman ni Betong sa biro ang mga sagot sa tanong tungkol sa kanyang lovelife. Mid-30s na kasi si Betong ngunit wala pa ring asawa.

Bakit hindi na lang si Maey ang ligawan niya at pakasalan, lalo na't pareho naman silang single?

"Kaya lang, choosy po siya, e. Choosy din po ako, so it's a tie," biro ni Betong.

Pagdidiin niya, kaibigan niya lang daw si Maey.

"Isa po iyon sa mga kaibigan ko na totoo, at talagang tunay.

"Yung relationship po namin ay lalong tumibay noong nasa Survivor po kami."

Makakapag-asawa pa kaya siya?

"Sana po, siguro po nalaman nila na marami na akong pera ngayon.

"Siguro kung darating po, e, darating.

"Mahirap po kasi, e, hanap po ako nang hanap. Sino ba magkakagusto?" ang muli niyang biro. -- Mark Angelo Ching, PEP