GMA News Online Ulat Filipino » Pinoy Trivia

Madugong Araw ng mga Puso

February 11, 2012 8:52pm
Habang nagdiriwang ng Araw ng mga Puso ang marami nating nagmamahalang kababayan noong Pebrero 14, 2005, ginulantang ng magkakasunod na pagsabog ang Makati City, Davao City at General Santos City.

Ang naturang pambobomba na sinasabing kagagawan ng Abu Sayaff Group ay nagresulta sa pagkamatay ng may anim katao at ikinasugat ng mahigit 90 iba pa.

Pakagat na ang dilim nang sumambulat ang bombang itinanim sa likurang bahagi ng isang bus pagsapit sa Ayala Avenue at EDSA. Tatlong pasahero ang nasawi at tinatayang 60 iba pa ang nasugatan.

Halos kasabay ng pagsabog sa Makati ang pagsabog din sa isang bus terminal sa Davao City. Kasunod nito ang pagsabog ng isang bomba na inilagay sa tricycle na nakaparada malapit sa isang mall sa General Santos City. Tatlong katao ang nasawi sa pagsabog sa Mindanao at tinatayang 30 iba pa ang nasugatan.

Ilang oras matapos ng mga pagsabog, isang nagpakilalang lider ng ASG ang tumawag sa himpilan ng radyo at inako ang responsibilidad sa pambobomba bilang regalo sa pamahalaan – na noo’y pinamumunuan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ilang suspek ang nadakip, kinasuhan at nahatulan sa naturang pambobomba. Noong nakaraang taon, kinatigan ng Korte Suprema ang hatol ng mababang korte laban kina Gamal Baharan, Angelo Trinidad, at Rohmat Abdurrohim, kaugnay sa nangyaring pambobomba sa bus sa Makati. - FRJ, GMA News