ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Aftershocks nagpapatuloy; Negros Island nababalot sa takot


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Limang araw matapos tumama ang magnitude-6.9 na lindol, patuloy pa rin ang mga aftershock sa Negros Oriental at sa mga kalapit probinsya nito, ayon sa state seismologists. Sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mahigit limang aftershocks ang naganap sa Negros noong Sabado, dalawa sa mga ito ay may sukat na magnitude 4.2 at 4.5. Ikinatatakot ng mga residente sa mga apektadong lugar ang patuloy na mga pagyanig na maaaring magdudulot ng dagdag na pinsala. Sa gitna ng aftershocks, inamin ng mga awtoridad na hindi madali ang paghahanap sa iba pang mga biktimang nawawala. Naganap ang ika-apat na aftershock na may magnitude 4.5 dakong 1:39 ng hapon ng Sabado. Namataan ang epicenter nito 10 km northwest ng bayan ng La Libertad, Negros Oriental. Intensity IV na pagyanig ang naramdaman sa bayan ng Vallehermoso at Intensity III naman sa Hinigaran. Ganoong intensity rin ang naramdaman sa Cebu City; at Iloilo City, dagdag pa ng Phivolcs. Walang naitalang pinsalang dulot ng ika-apat na aftershock. Naganap naman ang ikalimang pagyanig 4:59 ng hapon ng Sabado. Mayroon itong sukat na magnitude 4.2 at namataan ang epicenter nito 11km northwest ng Guihulngan na nakaramdam ng Intensity III na pagyanig, habang Intesity II naman ang naramdaman sa bayan ng Tayasan sa Negros Oriental, ayon sa Phivolcs. 1,514 aftershocks Hanggang 8 a.m. nitong Linggo, nakatala ang Phivolvs seismic station sa Southern Leyte ng dagdag pa na mga pagyanig, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). "As of 1 a.m. 12 February 2012, the Phivolcs seismic station in Maasin, Southern Leyte recorded a total of 1,514 aftershocks, 90 of which were felt," ayon a NDRRMC. Sinabi naman ng Phivolcs may pagyanig nitong Linggo dakong 5:14 ng umaga at may sukat na magnitude 2.8. Samantala, inahayag naman ng NDRRMC nitong Linggo na umabot na ng 41 ang naitalang napatay habang 67 pa ang nawawala. Mahigit 34,507 pamilya o 185,496 na tao sa walong bayan at dalawang lungsod ang apektado ng lindol. Sa mga ito, mahigit 8,469 o 42,045 na tao ang nananatili pa rin sa 74 evacuation centers. Ayon sa NDRRMC, naibalik na ang supply ng kuryente sa Guihulngan City, isa sa mga lugar sa Negros Oriental na nagtamo ng malaking pinsala. Naantala naman umano ang rescue operasyon sa Solonggan, La Libertad, dahil sa patuloy na mga pagyanig at ilang mga pagbiyak ng lupa malapit sa APEX Mining area. Nagkaroon na rin ng forced evacuation sa Barangay Tibit sa Guihulngan City dahil sa posibleng pagbaha. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News