PNoy inakusahan ni Corona ng paglabag sa Saligang Batas
Maaari raw ma-impeach si Pangulong Benigno Aquino III matapos tangkain umano niyang suhulan ang ilang senator-judges sa ginaganap na impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Ito ay ayon mismo kay Corona sa isang opisyal na pahayag na inilabas nitong Lunes. “The President has clearly committed an impeachable offense when he came out swinging by openly urging the senator-judges to disobey the Constitution he has personally sworn to uphold,” ani Corona. Sa isang panayam sa command conference sa Camp Crame, itinanggi ni Aquino ang akusasyon ng kampo ni Corona na may nakalaang P100 milyon sa bawat senator-judge na boboto para suwayin ng Senate impeachment court ang temporary restraining order ng Supreme Court para buksan ang dollar accounts ni Corona sa paglilitis. "’Di ko na siguro bibigyan dapat ng anuman dignidad ang ganyang mga akusasyon. At sa Pilipinas po, baka nakalimutan nitong mga partikular na mga abugado, ‘yung bago ka mag-akusa magpresenta ka ng ebidensya mo. Obligasyon ng nag-aakusa na patunayan ang kanyang akusasyon," ani Aquino. Huwad? Sa pahayag, binatikos ni Corona ang nagaganap na impeachment trial laban sa kanya. Aniya, isang “sham” o huwad lamang ito at ganti ng Palasyo sa naging desisyon ng SC sa land dispute case ng Hacienda Luista, na pagmamay-ari ng mga kaanak ni Aquino. “Itong impeachment trial na ito ay isang huwad, isang paghihiganti ng sukdulan at kahiya-hiyang tangka na pigilin ang pagbabahagi ng lupain sa Hacienda Luisita,” ani Corona. Sinabi rin ni Corona na ‘di gaya ng mga ibinibintang sa kanya, sa matapat na paraan niya nakuha ang pera sa kanyang bank accounts at ilang mga ari-ariang. “Throughout my public career, I have never been involved in any anomaly or scandal. Whatever assets my wife and I have acquired are products of 45 years of toil and honest work,” aniya. Ayon sa punong hukom, nagmula umano siya at ang kanyang asawang si Cristina sa “privileged” na pamilya at nakapag-ipon ng "significant savings" mula nang sila ay ikasal. “We have lived simple and frugal lives since we got married more than 40 years ago, to the point of thriftiness. This contributed to how we have been able to accumulate these assets," aniya. Walang ebidensiya Muli ring sinabi ni Corona na walang ebidensiya ang prosekusyon para patunayan ang mga ibinibintang sa kanya. “To the prosecution team, I do know my law. I have not broken any law. I have no liability to the people and to the government. What my wife and I have is the fruit of hard and honest," aniya. Binatikos din ni Corona ang prosekusyon sa umano’y paghingi nito ng tulong sa ilang “patently partisan” at “inquisitorial” na senator-judges” para makakalap ng ebidensiya laban sa kanya. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News