ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 malalaking buwaya nahuli sa Palawan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang malalaking buwaya ang nahuli nitong Martes ng umaga sa isang ilog sa bayan ng Bataraza sa Palawan, ayon sa ulat ng “Balitanghali” ng GMA News TV.   May sukat na 16 at 11 talampakan ang dalawang buwaya na pinaniniwalaang umatake sa ilang residente sa nabanggit na lugar, ayon pa sa ulat. “Ganito po ‘yun actually, ‘yung nahulihan ng dalawang buwaya [ay] humigit-kumulang 18 kilometro [ang] layo mula sa Brgy. Rio Tuba. Ngunit na-confirm po natin na itong mga nakaraang linggo, mayroon pong tao na inatake ng buwaya. Kaya po ‘yung ating Crocodile Farm Institute staff ay gumawa ng paraan para makahuli po ng buwaya doon sa Sitio Sayab, Brgy. Tanglato, Bataraza, Palawan,” ani Gomer Miano, barangay captain ng Barangay Rio Tuba kung saan nahuli ang dalawang buwaya. Ayon kay Miano, kinakailangang manatili sa captivity ang mga buwaya matapos ang pag-atake nito sa mga residente nitong mga nakaraang linggo. “Opo, talagang sinikap po nila na mahuli ito para maiwasan po muli yung pag-atake nila sa mga tao na naliligo doon o kaya may nangingisda sa ilog. Sa amin pong pagkaalam ay first time po ito na mayroong inatake na tao doon po sa ilog ng Tayab na nasasakupan ng Brgy. Tanglato,” aniya. Dagdag ni Miano, kung hindi ilalagay sa captivity ang mga buwaya, maaari muli itong umatake. “Dapat po talagang hulihin ang mga buwayang ‘yan dahil tiyak po na mayroong susunod kapag hindi po sila mahuli," aniya. Sa kabila nito, hindi pa matukoy ni Miano kung may kinalaman ang nahuling buwaya sa mga naiulat na pag-atake. Nang itinanong kung ano ang dahilan ng pag-atake, sinabi ni Miano na: “Marahil po ay nasisira ‘yung pong kanilang tirahan kaya wala na po silang makain na mga isda o lamang-dagat doon sa kanilang tirahan kaya po napipilitan sigurong umatake pati ng mga tao.” Nanawagan naman si Miano sa mga residente na pangalagaan ang natural habitat ng mga buwaya. “Huwag po nating sirain yung mga bakawan dahil dyan po sila nabubuhay… Kaya ito pong ating mga buwaya [ay] napipilitan pong umatake ito ng tao dahil wala na po silang makain at ang tirahan po nila ay nasisira na,” aniya. Malalaki ang mga buwayang nahuli sa Palawan ngunit hindi ito makukumpara sa laki ni Lolong, ang buwaya na may sukat na 20 feet, three inches na nahuli sa Agusan Marsh nitong Setyembre ng nakaraang taon. Ayon sa Australian zoologist at crocodile expert na si Dr. Adam Britton, marahil si Lolong ang world's biggest saltwater crocodile na nasa captivity. Inaabangan na lamang ang opisyal na pagkilala ng Guinness Book of World Records kay Lolong bilang pinakamalaking saltwater crocodile sa mundo. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News