Regalo kay Dingdong Dantes, ginamitan ni Marian Rivera ng ibang 'strategy'
Kahit busy sa kanilang trabaho, inihayag ng Kapuso primetime queen na si Marian Rivera na hindi nila palalampasin ni Dingdong Dantes na maipagdiwang ang Valentine's Day. Sa panayam ni showbiz reporter Lhar Santiago, sinabi ni Mirian na tatantiyahin pa nila ni Dingdong kung may pagkakataon pa silang makapag-date ngayong Feb 14 dahil kabilang ang kanyang nobyo sa mga guest nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez sa Valentine concert sa Araneta. Kung may oras pa, maaari pa raw mag-date ang couple sa isang malapit na lugar. Pero kung hindi naman, ipagluluto na lang daw ni Marian ang kanyang nobyo. Hindi rin naman kasi maaaring lumayo ang dalawa dahil may taping sila kinabukasan para sa bago nilang primetime soap na My Beloved. “Iibahin ko naman yung strategy ko this time. Bumili lang ako ng card tapos may message lang ako sa kanya. Tapos may binili lang akong isang maliit na maliit na pin na angel. Nakalagay, you’re my guardian angel," kwento ni Marian sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Martes. Kasabay nito, sinabi ni Marian na nakapag-adjust na siya sa kanyang karakter sa My Beloved, matapos ang mahaba niyang pagganap sa karakter ng babaeng mandirigma sa Amaya. Masaya rin daw ang aktres dahil maganda ang samahan nila ni Katrina Halili sa My Beloved, kumpara noong unang silang magkatrabaho sa Marimar. Hindi raw kasi sila nabigyan ng pagkakataon noon ni Katrina na magkaugnayan at maging close sa Marimar. “Dito (sa My Beloved) kahit papaano nabibigyan ng chance. Nung una niyang eksena magkausap kaming dalawa, pinag-usapan naming dalawa tungkol sa baking," masayang kwento ni Marian. - FRJ, GMA News